ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Komunidad Mo Kasama Mo by Kathlia De Castro

By Galilea on 7:50 AM

Filed Under:



Isang taon na naman ang lumipas, naririto pa rin tayo bilang isang komunidad, sama-sama, nagkakaisa at nagtutulungan para sa ika-uunlad ng bawat isa. Sa ika-labing anim na taon ng AFC and ika-labing isang taon ng Galilea tila ba masarap sariwain at balik tanawan kung paano ang mga ito nabuo at hanggang ngayon ay patuloy na nagiging bahagi ng buhay ng bawat Pilipino dito sa Korea.


Taong 1992 ng pasimulan nila Mang Boy at Boyong bilang mga lider ang AFC sa pamumuno ni Fr. Pio Hwang. Unang nabuo ang konstitusyon nito noong 1994 sa pangunguna ni Kuya Ben Magundayao bilang unang presidente. Taong 1997 ng simulang buuin ang Galilea sa pangunguna ni Fr. Eugene. Nagsimula ito sa basement na ipinahiram ni Nanay Tina. Sa tulong ng AFC nilinis at isinaayos ito upang maging kauna-unahang opisina ng Galilea. Mula noon naging kaagapay na ng mga manggagawa ang Galilea.

Isang dagok ang dumating sa komunidad noong 1998. Nagkaroon ng economic meltdown ang Korea kung saan daang-daang manggagawa ang nawalan ng trabaho. Sa panahong ito naging “salbabida” ng marami ang Galilea sa tulong ng mga AFC volunteers. Magkaagapay silang nangalap ng pondo para masuportahan ang mga manggagawang nawalan ng hanap-buhay. Sa panahong ito tunay ngang mamamalas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang komunidad na handang umagapay sa bawat isa. Kaya naman nalagpasan ng lahat ang unos na ito.
Hindi nakalimot ang mga manggagawa, patuloy silang umagapay at tumulong sa Galilea kaya naman ng taong 1999 nakayanan nitong makalikom ng pondo upang magkaroon ng mas maayos na opisina sa ikalawang palapag ng bahay ni Nanay Tina. Ito ay sa tulong na rin ng iba pang mga donasyon galing sa Archdiocese of Cologne sa Germany at sa pinagbentahan ng librong isinulat ni Fr. Eugene, ang “Breaking Bread Together: Sharing Lives with Migrant Workers” kung saan malaking halaga ang nalikom dahil na rin sa pagtangkilik ng mga manggagawa. Taong 1999 din ng umalis si Fr. Eugene patungong Canada upang mag-aral. Siya ay pinalitan ni Fr. Damian kapwa SVD na taga Poland.

Taong 2000 ng palitan ni Fr. Dennis si Fr. Damian bilang direktor ng Galilea. Patuloy na umagapay ang AFC sa Galilea at naging maayos naman ang lahat bagamat banyaga ang paring namumuno. Taong 2001 ng magbalik si Fr. Eugene sa Galilea. Si Anne Baronia naman ang presidente ng AFC ng panahong iyon. Sa taon ding ito nakayanan din ng Galilea na umupa ng extension bilang opisina sa 3rd flr ng bahay ni Nanay Tina. Si Anne ay sinundan ni Neil Bayaborda bilang presidente ng AFC noong 2002 at ni Joey Carabacan noong 2003. Taong 2003 ng magsimula ang isa na namang magandang proyekto, ang Baby’s Home. Sa pangunguna ni Fr. Eugene at sa tulong ng Association of Superiors of Religious Congregations dito sa Korea na nagbigay ng malaking halaga, nasimulan and Baby’s home sa Sonbu-dong. Sa Baby’s home inaalagaan ang mga anak ng mga manggagawang naririto sa Korea upang kahit sila ay nagtatrabaho ay makapiling nila ang kanilang anak. Lubhang marami ang volunteers na tumutulong dito. Isa muling pagpapapatunay na kasama ng bawat isa ang komunidad. Kaya naman taong 2004 nakalipat ang Baby’s home sa mas malaking lugar sa Wongok-dong sa tulong na rin ng St Vincent Sisters ng Suwon. Sa taong ding ito nakabili ang Galilea ng sarili nitong lugar, ang kasalukuyang opisina. Si Manny Manongsong naman ang presidente ng AFC ng taong ito. Taong 2005 ng maluklok si Fr. Noel bilang Galilea direktor habang si Fr. Eugene naman ay superior ng SVD. Sa taong ito si Ramonet Hermano ang presidente ng AFC. Sinundan sya ni Michael Cacayuran noong 2006 at ni Billy Vela noong 2007. Taong 2006 nalipat ang pamamahala ng Baby’s home sa Wongok Parish. Kamakailan lamang nagpaalam sa atin si Fr. Noel kung kaya’t pinalitan siya ni Fr. Kristianus, isang Indonesian bilang director habang ang inyong lingkod naman (Kathlia De Castro) bilang presidente ng AFC.

Tunay ngang di matatawaran ang mga pangyayari sa nakalipas na labing-isang taon at labing-anim na taon para sa dalawang institusyon na may malaking bahagi sa komunidad na meron tayo ngayon. Mga pangyayaring masaya, malungkot, puno ng pagsubok at paghamon. Magkaganun pa man nananatiling matatag ito sapagkat patuloy na umaagapay ang bawat isa bilang bahagi ng komunidad na siyang bumubuo rito. Nawa’y manatiling buo at sama-sama sa lahat ng hamon ng buhay ang bawat Pilipino na kaanib ng komunidad na ito ngayon at sa mga darating pang mga taon. Mabuhay ang lahat ng Pilipino sa Ansan! Maligayang Anibersayo sa inyong lahat.

0 comments for this post