ANG PAGPATUTULOY... TRADISYONG AFC NA PINATITIBAY NG BAWAT HENERASYON
By Galilea on 4:44 PM
Filed Under:
By Billy Vela
Katulad ng mga nakaraang taon, ang AFC ay puno ng pagsubok at tagumpay. Noong nakaraang buwan ng Pebrero ay maraming aktibong volunteer ng AFC ang nahuli ng immigration officer habang naghihintay na umalis ang sinasakyang shuttle bus sa tapat ng kanilang kumpanya. Ang insidenteng iyon ay ikinagulat at ikinalungkot ng marami. Magbuhat ng mangyari ang nasabing
insidente ay lalong umigting ang pagiging malapit sa isa’t‐isa ng mga AFC volunteer. Marahil ay
nabatid ng mga tao sa komunidad ang higit na pangangailangan ng AFC ng taong pwedeng magbigay ng kanilang libreng oras upang magserbisyo sa simbahan ay kapansin‐pansin na lumubo ang bilang ng mga ito. Sila ang mga bagong henerasyon ng AFC na pumupuno sa pagkawala ng mga batikang volunteers.
Buwan ng Marso ng matapos ang panunungkulan ng inyong lingkod kasabay nito ang panunumpa ng bagong halal na Presidente ng ating samahan na si Kathlia De Castro at mga bagong opisyal. Ito ay pinangunahan ni Ambassador Luis T. Cruz bilang inducting officer. Siya ang bagong upong Ambassador ng ating bansang Pilipinas dito sa Korea.
Hindi rin makakalimutan ang pag‐alis ng dating Director ng Galilea na si Rev. Fr. Noel Ferrer, SVD na naging takbuhan din ng marami nating kababayan upang idulog ang mga personal at espiritwal na problema. Kung minsan ay hinahanap ng mga taong sumisimba ang kanyang kwela ngunit umuukit sa pusong mga homiliya. Hindi nagtagal ay ipinakilala si Rev. Fr. Kristianus Piatu na miyembro rin ng Divine Word Society na mas kilala sa tawag na SVD. Siya ang kasalukuyang Director ng Galilea at tagapayo ng AFC.
Dahil na rin sa pagdami ng bagong mga volunteers ay nagkaroon ang AFC ng isang simpleng ‘acquaintance party” na ginanap sa bagong bukas na Ansan Migrant Community Service Center na matatagpuan sa Jutek, Buburo noong buwan ng Mayo. Ang lahat ng nagsipagdalo ay nabigyan ng pagkakataon upang higit na makilala ang isa’t‐isa. Dito ay nagkaroon ng munting programa at mga palaro na nilahukan ng lahat ng dumalo sa pagtitipon. Sa araw na ito rin nagsimula ang isang bagong proyekto kung saan sabay‐sabay na magdiriwang ang mga volunteers na may kaarawan sa bawat buwan. Ito ay upang higit pang magkaroon ng “bonding time” ang lahat ng miyembro. Hindi pa rin nawawala sa listahan ng AFC volunteers ang taunang pagbisita sa tinuturing isa sa mga Banal na Lugar dito sa Korea, ang Rosary Hill na matatagpuan sa Namyang, Hwaseong City. Nitong nakaraang buwan lamang ng Hunyo ng aming balikan ang lugar upang muling idulog sa Maykapal na gabayan ang mga programa at layunin ng AFC. Maging ang mga volunteers ay may sariling mga baong personal na intensyon na inilapit sa Kanya. Pagod man ng dumating sa Ansan ay dagliang naghanda ang volunteers para sa linguhang Misa ng araw na iyon.
“Wala raw permanente kundi ang pagbabago” at iyan ay minsan pang napatunayan sa ating komunidad. Ngunit ang pagbabagong iyon ay niyakap ng lahat para sa higit na ikatatagumpay ng ating samahan. Ang paglisan ng ating mga kasama sa pagbibigay serbisyo sa komunidad ay kailangan tanggapin. Sa pagkawala ng iba nating kasama ay kailangan nating muling ihakbang ang paa upang marating ang dapat patunguhan. Ang mga di magandang nangyari ay pwede nating lingunin ngunit hindi pwedeng balikan. Hindi man natin maibabalik ang kahapon ay pwede naman natin harapin ang ngayon para sa isang mas magandang bukas. Marami pang mga aktibidad ang ating pagsasamahan bilang mga volunteers. Ang mga aktibidad na iyon ang higit na magbubuklod sa ating lahat. Ang pagiging isa nating lahat ang magdadala sa atin sa tagumpay. Ating ipagpatuloy ang walang sawang pagbibigay serbisyo sa ating komunidad dahil ang paglilingkod sa kapwa ay paglilingkod din sa Kanya.
Visit http://ansanfilcomdiary.blogspot.com for more updates
0 comments for this post