ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
YOUR HEART TODAY
By Galilea on 4:36 PM
Filed Under:
By Pris Santos
When the time will come and your about to meet Jesus Christ, what will you say to him?
Sa tuwing darating ang taunang anibersaryo ng Galilea at AFC ay nagiging abala ang lahat ng miyembro nito. Mula sa mga opisyal hanggang sa miyembro lahat ay may kanya‐kanyang sariling trabaho. Katulad na lamang ng grupo ng koro, ang mga kantang aawitin sa Banal na Misa ay binibigyan ng malaking pansin. Ngayong taon, ang awiting “Your Heart Today” mula sa Bukaspalad ay siyang napili para sa komunyon.
Sa unang pagkakataong narinig ko ang awiting ito ay ‘di ko maiwasang magbalik‐ tanaw noong bata pa ako. Minsan kasi ay tinanong ko sa aking mga magulang kung paano nagdadasal ang mga pari. “Kung paano nila tayo tinuturuan sa tuwing tayo ay nagsisimba” sagot ng aking yumaong ama.
Habang lumilipas ang panahon at ako ay nagkakaroon ng tamang pag‐iisip, ang aking simpleng tanong noon ay lalo pang nagkakaroon ng ibat ibang palaisipan.
“Nagkakaroon kaya sila ng mga problema katulad ng problemang meron tayo? Paano kaya nila ito hinaharap?”
Sa kasalukuyan, labis ko ng nauunawaan ang isinagot ng aking ama sa aking naipukol na tanong noon . Kung ating iisipin, wala tayong pinagkaiba sa kanilang pangangailangan mula sa ating Dakilang lumikha. Pinili nila ang ganoong responsibilidad sa buhay katulad ng ating pagpili sa responsibilidad na mayroon tayo ngayon . Ang awiting Your Heart Today ay nagpapahiwatig na meron tayong kakayahan lagpasan ang anumang hamon ng buhay kung tayo’y tatawag at mananalig sa Kanya.
Sa tuwing tayo’y nakikipag‐usap sa Diyos, hinihiling natin na tayo’y bigyan ng tamang lakas ng loob upang harapin at lagpasan ang bawat pagsubok na ating kinakaharap. Minsan may mga pagkakataong hinihiling natin ang mga materyal na bagay sa halip na gabay at pagmamahal Niya. Sa ating pagdarasal, madalas tayong humiling kaysa magpasalamat sa mga munting biyaya na kaloob Niya. Sa panahong ang mga biyaya ay nasa ating kamay, madalas tayong tumatalikod at nakalilimot na Siya ang nagkaloob ng lahat ng ito.
Ang bawat salita na ginamit sa awitin ay hindi lamang para sa mga pari, madre at mga misyonaryo. Sa halip ang mga katagang ginamit ay dapat din nating pagnilayan sa araw‐araw. Hindi sapat and tayo’y humiling at magpasalamat. Higit sa lahat kailangan nating manalig sa Kanya at humiling na magkaroon ng pusong katulad ng sa Kanya. Upang sa pagdating ng takip silim sa ating buhay makakayanan nating humarap sa Kanya at sabihing naging mabuting tao tayo sa mundo sapagkat namuhay tayo’y may pusong katulad ng taglay Niya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post