ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
GOODBYES

By Galilea on 3:08 PM

Filed Under:

By Benedict Ray E. Morale



Sa ating pagdiriwang ng ating annibersaryo, di maikakaila na marami siguro sa atin ang magsasabi na – “Parang may kulang?”. Siguro eto ang mga katagang sumagi sa isipan ng karamihan sa mga miyembro ng AFC. Siguro marami ang nag‐iisip na parang kailan lang andito sila o kaya naman ay parang andito lang sila nung huling annibersaryo.
Masasabi natin na parang sinalubong ng sunod‐sunod na pamamaalam ang pagdiriwang ng ating anibersaryo. Simula pa lamang ng taong 2008 ay sunod‐sunod na ang mga pamamaalang naganap. Matatandaang noong Enero hanggang Pebrero ngayong taon pinakamaraming umalis sa AFC. Pakiramdam ng karamihang miyembro ay halos naubos o nangahalati na ang AFC. Nagpatuloy pa ang sunod‐sunod na pamamaalam sa mga sumunod na buwan.
Marahil marami sa atin ang nakaramdam nito dahil may puntong halos sunod sunod na ang announcement sa simbahan at parangal ang ginagawa para sa mga umaalis. O kaya naman kapag may naririnig tayong balita tungkol sa crackdown, marahil ang iba doon ay miyembro din ng AFC.
Nakakalungkot isipin na ang mga karamihan sa umalis na miyembro ay ang mga matagal ng miyembro ng AFC. Sila ang mga miyembrong di makukuwestiyon ang dedikasyon sa paglilingkod. Marami sa kanila ang tumayong magulang o kapatid natin dito sa Korea. Tulad ng mga ibang miyembro, nagsakripisyo din sila sa pagbabalanse ng trabaho sa Korea at tungkulin sa AFC. Sa madaling sabi : Sinapuso nila ang pagiging isang boluntaryo.
Sari‐sari ang naging dahilan ng paglisan ng ating mga kababayan. Ang ilan ay ang mga di pinalad sa isinasagawang crackdown ng mga illegal alien sa bansang Korea. Marahil ito ay isa sa mga pinakamasakit na paraan ng pag‐lisan sa Korea sa kadahilanang wala ito sa plano ng ating mga kababayan. Parang kapag nahuli ka ay agadagad na papasok sa isipan ay – “Ano na ang gagawin ko?”
Kahit na alam ng ating mga kababayan na isang paglabag sa batas ang pagiging isang TNT, marami ang naglalakas loob na makipagsapalaran pa rin dulot ng kanilang pangangailangan. Ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya nagagawa nila ito ay ang pera. Marahil higit na malaki ang natatanggap nilang sahod sa bansang Korea kumpara sa matatanggap nila pag sila ay magtatrabaho sa Pilipinas. Ang iba naman ay sinasabi na sayang ang oportunidad dahil malaki
rin ang kumpetisyon na dinaranas na ating mga kababayan para makapagtrabaho lang dito sa Korea.
Pero kaya lang naman nila nagagawa ito ay marahil ang pinakagusto lang naman mangyari ay para magkaroon lang ng maayos ng buhay ang kanilang pamilya sa Pilipinas at magkaroon ng seguridad na pinansyal para sa hinaharap.
Hindi naman lahat sa mga umalis ay labag sa kanilang kagustuhan. Ang iba ay ninais talaga na bumalik na sa ating bansa. Iba sa kanila ay dumating na ang takdang panahon at hindi na humanap ng renewal sa kontrata. Meron din naman may sapat ng ipon o kaya naman ang iba ay lubhang namimiss at ninanais na makapiling ang kanilang pamilya sa Pilipinas. At ang iba naman ay sadyang hindi na masaya sa kanilang buhay dito at sabik ng makabalik sa Pilipinas.
Karamihan sa atin ay trabaho ang pakay ng umalis tayo sa Pilipinas papunta dito sa Korea. Hindi naman natin inisip kaagad na mapapabilang tayo sa isang samahan o organisasyon at magkakaroon ng mga kaibigan dito. Marahil marami sa atin ng makasali na sa AFC, nakatagpo tayo ng pamilya o samahan na magpapabawas sa lungkot na nararamdaman sa pagkalayo sa mga mahal natin sa buhay.
Kaya naman noong sila ay umalis, ninais man o hindi, hindi maiiwasan na tayong mga naiwan ay makaranas ng kalungkutan at kakulangan. Ito’y sa kadahilanang naging malaking bahagi sila ng ating buhay sa Korea. Sa kabila ng kanilang mga pag‐alis, mananatili ang kanilang mga turo at magagandang ala‐ala dito sa Korea. Bilang isang pamilya sa AFC, hangad natin ang kanilang tagumpay at kasiyahan sa anumang desisyon o daan ang kanilang tatahakin.
Ngunit hindi naman puro pamamaalam ang naganap noong mga nakalipas na buwan. Maraming mga bagong mukha ang makikita na sumali sa AFC. Ito’y isang magandang hudyat na mas lalo pa lumalaki ang ating pamilya. Mga bagong pagkakaibigan, bagong karanasan at bagong mga alaala ang mamumuo sa AFC.
Ang pagdiriwang ng isang anibersaryo ay isang simbolo na ang isang organisasyon ay nanatiling matatag at aktibo sa pagpapatupad nito ng kanilang mga misyon at layunin. Marami man ang lumisan at lilisan pa, ang samahan sa AFC at Galilea ay patuloy na mananatiling matatag hanggang sa susunod pang mga taon kasabay ng bagong mga henerasyong patuloy na bubuo dito

0 comments for this post