ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
AFC: Ikaw at Ako

By Galilea on 8:22 PM

Filed Under:

Billy Vela

Ang Ansan Filipino Community ay nagdiriwang ngayon ng ika-15 taong anibersaryo. Pagkakaisa at pagtutulungan ay ilan lamang sa naging susi kung bakit ito nagtagal ng ganito. Lahat ng mga programa ay pinag-iisipan at pinagpaplanuhang mabuti. Sa tulong na rin ng mga benefactor ay naidaraos ng mahusay ang mga ito. Idagdag pa dito, ay ang mga volunteer na walang sawang nagbibigay ng tulong, serbisyo at oras sa bawat programa. Subalit hindi lahat ng mga tao ay kayang unawaiin ang aming mga ginagawa. Sa bawat programa na aming inilulunsad o idinadaos ay di nawawala ang mga kritiko. Sa aking palagay, hindi nila lubos na maiintindihan ang aming mga ginagawa, hindi nila malalaman kung gaano kahirap namin pinaplano ang bawat program hanggat hindi sila nagiging kasapi ng bawat usapan. Hindi nila lubos maiintindihan kung gaanong oras ang aming iniuukol sa pag-eensayo para sa pagkanta hangga’t hindi sila nauupo sa upuan ng mga choir. Hindi nila malalaman kung gaanong karaming pawis ang pumatak sa bawat indak ng aming mga dancers hangga’t hindi sila mismo ang sumasayaw. Hangga’t hindi sila nagiging service committee ay hindi nila malalaman kung gaano karaming pasensya ang aming inilalaan sa pagpapaupo sa simbahan. Marami sa aming mga aktibong miyembro ay hinanap pa ang kanilang mga talento may maihandog lamang sa Kanya. Dahil nais naming ihandog ang aming libreng oras sa pagseserbisyo para sa Kanya. At dahil para sa Kanya ang aming ginagawa. Hindi ako nagrereklamo sa aming pinasok bilang volunteer. Layunin lamang ng artikulong ito na ipaaalam sa lahat na kami man ay nagkakamali ngunit sa bawat kamalian ay natututo rin. Nais ko rin ipaalam na kami man ay mayroon din damdamin…nasasaktan.
Sa kabilang banda, maraming naitutulong para sa aming mga volunteer ang kritiko. Dahil dito kami aylumalago bilang isang indibidwal. Tumitibay ang kalooban, natututong magpasensya at umunawa. Nagiging daan ito upang patuloy kaming magkabuklod-buklod.Kung kaya’t patuloy kaming naglilingkod dahil naniniwala kaming meron pa ring mga taong naniniwala sa aming kakayahan. Higit sa lahat iniisip naming ang lahat ng ito ay ginagawa namin para mapaglingkuran Siya.
Kaya naman nais kong batiin ang buong Ansan Filipino Community lalo na ang mga volunteers ng isang maligayang pagdiriwang sa ating ika-15 taong anibersaryo. Ipagpatuloy ang walang humpay na paglilingkod at di matatawarang pagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan dahil ang paglilingkod sa kapwa ay paglilingkod sa Kanya. Kaya’t para sa mga AFC na hanggang ngayon ay natutulog pa at nagsasarili, ano pa ang hinihintay n’yo? Makisangkot na at maging bahagi ng ating komunidad!
Lahat naman tayo ay may opinyon sa lahat na nangyayari sa ating paligid. Maaaring sa aking isinulat ay may mga tumaas ang kilay ngunit maaari rin naman na mamulat sila sa kahalagahan ng aming ginagawa para sa kumunidad na ito. At katulad nga ng titulo ng pitak na ito…OPINYON KO ‘TO!

0 comments for this post