ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Appendicitis

By Galilea on 8:56 PM

Filed Under:



Ang appendicitis ay maituturing na isang seryosong karamdaman na ang karaniwang lunas ay operasyon. Ang sakit na ito ay nangangailangan ng mabilisang operasyon upang maialis ang namamagang appendix sa ating katawan.


Ang vermiform appendix ay kadugtong ng large intestine (colon) at maituturing na nakatutulong sa proseso ng pagtunaw ng ating mga kinain. Subalit hanggang ngayon, ang tunay na tungkulin ng appendix ay di pa din nalalaman, kaya’t ang pagkawala nito sa ating katawan ay walang maidudulot na pagbabago sa ating sistema. Nangyayari ang appendicitis kapag mayroong pagbabara sa vermiform appendix. Ang appendix ay kadalasang nababarahan ng mga dumi (feces) na nagiging sanhi upang matigil ang pagdaloy ng dugo papunta ditto. Ang paghinto ng supply ng dugo ang dahilan upang ito ay dahan-dahan hanggang tuluyang mamatay. Naiipon ang bacteria sa loob ng appendix na nagiging dahilan upang ito ay mamaga. Nararapat na matanggal ang namamagang appendix bago pa ito pumutok dahil kapag ito ay di naagapan, maaring magkaroon ng infection sa loob ng ating katawan. May mga pagkakataon ring di na kakailanganin ang operasyon kung makukuha ito sa pag-inom lamang ng antibiotics, subalit kadalasang mas pinipili ng doctor ang pinakamainam na solusyon na ito ay tanggalin na lang.
Ang appendicitis ay maaaring maging acute or chronic. Ang acute appendicitis ay mabilis ang pagtubo at mas madaling malaman ang may ganitong sakit. Ito din ay maaaring magkaroon ng komplikasyon tulad ng pagkabutas ng appendix at matinding bacterial infection. Ang chronic appendicitis naman ay mas matagal ang progreso at mas mahirap malaman ang ganitong sakit. Ang karaniwang sintomas ng appendicitis ay ang matinding pananakit ng tiyan, pagkawala ng gana sa pagkain, pagsusuka, lagnat, at diarrhea o constipation. Ang pananakit ay kadalasang nagsisimula sa bandang parte ng pusod at dahan-dahan nalilipat sa gawing baba na kanang tiyan at minsan pa ay damay ang tagiliran at likod. Ito rin ay mas nagiging masakit kapag kumikilos, naglalakad o umuubo.


May ilang mga pagkakataon na dahil sa walang tuwirang sintomas, mahirap malaman ang ganitong sakit sa mga matatanda, may HIV, may diabetes at overweight na mga tao. Tinatawag na atypical appendicitis kapag walang makitang tuwirang sintomas ng ganitong sakit. Mataas ang bilang ng taong namamatay sa atypical appendicitis.


Kahit sino ay maaaring magkaroon ng appendicitis, walang pinipiling edad, lalake man o babae. Subalit kadalasang mas mataas ang bilang ng mga lalaking nagkakaroon ng ganitong sakit. Gayundin ang mga batang may edad na 3-15 taong gulang ay may mas malaking posibilidad sa acute appendicitis.


Bagaman ang appendicitis ay di maiiwasan, makakatulong naman ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fibers tulad ng prutas at gulay upang mabawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng ganitong sakit. Ayon din sa mga pag-aaral, malaki ang naitutulong ng regular at tamang posisyon (squat) ng pagdumi upang maiwasan ang pagbabara sa appendix.


References:.
http://www.toilet-related-ailments.com/appendicitis.html
http://ezinearticles.com/?common-acts-about-Appendicitis
http://www.medicinenet.com/appendicitis/page5.htm
http://en.wikipedia.org/wiki/Appendicitis

1 comments for this post

salamat po sa informasyon!

hindi ko pa alam kung ito nga ay appendicitis pero lahat ng sintomas maliban sa lagnat ay aking nararamdaman, lalo ngayong ako i inuubo, kailangan ko lang umupo na ipit ang aking puson para hindi masyadong maramdaman ang sakit.

takot ako sa operasyon! may iba pa na paraan para mawala ang sakit na aking nararamdaman?

salamat,

michelle

Posted on 06 March, 2008 10:44