ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Balik-tanaw sa taong 2007

By Galilea on 8:56 PM

Filed Under:


Billy Vela


Pasko na naman. Ilang araw pa ang lilipas at muli na naman nating sasalubungin ang bagong taon. Ang taong 2007 para sa AFC ay puno ng tagumpay ngunit mayroon din namang mga pasakit at luha. Halina't samahan ninyo akong balikan ang ilan sa mga malalaking programa ng AFC sa ating pagbabalik-tanaw sa taong 2007.
March 25 nang kami ay manumpa bilang mga bagong halal na opisyal ng AFC. Dito nagsimula ang mga bagong hamon para sa akin at sampu ng kapwa ko bagong halal na opisyal. Gayon din naman ang mga masigasig na mga volunteer.
June 3 at 10 nang idaos ang kauna-unahang Sports festival dito sa AFC kung saan apat na grupo ang nagtagisan ng galing sa kanilang mga napiling laro. Bagama't may mga problemang dumating bago at habang ginaganap ang palaro ay agad naman itong nalunasan. Nakita dito ang kooperasyon ng lahat lalo na ng mga kalahok. Sa tulong ni Fr. Noel at mga kapwa ko opisyal at volunteer ang nasabing palaro ay matagumpay na naidaos.
June 17 nang ipagdiwang ng Philippine Embassy ang ika-109 taong araw ng ating kalayaan at ika-11 taon naman ng migranteng manggagawa sa Hamilton Hotel ng itaewon. Marami ang naimbitahang grupo isa na ang AFC. Dito pinarangalan si Mrs. Maria Park para sa kanyang masipag na pagtatrabaho at pagtulong sa Galilea migrants center kapalit ng mababang sahod na kanyang tinatanggap.
August 3-5 nang tayo'y magtampisaw sa tubig ng Pineville Resort sa Hwaseong. Ngunit katulad ng ibang programa ay hindi rin ito nakaligtas sa problema. Dismayado ang unang grupo ng volunteer na aming ipinadala upang ayusin ang lugar. Ngunit sa kagustuhang maging kaaya-aya at masaya ang summer camp ay sama-sama nila itong inayos at pinaganda para sa mga participants. Hindi man naging maganda sa paningin ng mga nagsipagdalo ang lugar ay puno naman ng masasayang alaala ang 2 gabi at 2 araw na paglagi namin dito. Iyon ay dahil sa kooperasyon ng lahat sa mga aktibidad na ginanap sa nasabing mga araw.
September 11 nang idaos ang ika-15 taon at ika-11 taong anibersaryo ng AFC at Galilea. Ibayong paghahanda ang ginawa ng lahat ng volunteer para sa Misa at simpleng salu-salo. Dito ay nakita muli ang suportang ibinigay ng buong komunidad ng kanilang daluhan ang nasabing programa. At dahil sa inyong pagtangkilik sa aming raffle ticket ito ay kumita ng sapat upang sagutin ng AFC at Galilea ang mga gastusin sa pagdiriwang natin ngayong kapaskuhan.
Noong nakaraang September 26 nang sama-samang namasyal ang AFC sa Seoul Land at ang iba naman ay sa Everland. Bagama’t magkaibang lugar ang pinuntahan ay nakitaan pa rin ang buong kumunidad ng disiplina sa sarili upang maging ligtas ang ating pamamasyal sa nasabing mga lugar.
Hindi lamang sa mga aktibidad nakita ang inyong suporta sa amin. Maging sa malubhang karamdaman ng aming kasamang si Michelle Calipis ay muli ninyo kaming dinamayan. Inyong ibinigay ang lahat ng tulong pinansyal, moral at higit sa lahat ay ang ispiritwal. Sa ngayon siya ay kasulukuyang nasa Kabite at patuloy na nagpapagaling.
Sa aking palagay, naging matagumpay ang lahat dahil sa inyong pagsuporta. Patunay lamang na lahat ay posibleng mangyari kung lahat ay nakikiisa, nagsasama-sama tungo sa ikatatagumpay ng ating mga programa. Nasa inyong mga kamay ang susi ng tagumpay. Kaya naman aasahan namin na muli ninyong itong iaabot sa mga susunod pang mga taon para sa ikauunlad ng Ansan Filipino Community.
Lahat tayo ay may opinyon. Maaaring tama ang mga ito ngunit maaari rin namang mali. Katulad nga ng titulo ng pitak na ito…OPINYON KO ‘TO!

0 comments for this post