ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
LUHA DULOT NG PANGARAP

By Galilea on 8:58 PM

Filed Under:



Emil Nazario

Minsan akong nangarap magkaroon ng pamilya, magkaroon ng mga anak… maging isang ama. Pangarap na ngayon ay nabigyan ng katuparan. May pamilya na ako. May maganda at makukulit na mga anak. Ang aking asawa ay mabait at maasikaso. Masarap namnamin ang katuparan ng aking pangarap kahit nakaatang dito ang malaking responsibilad… responsibilidad na dapat kong gampanan.

Masasabi ko na araw-araw kami ay masayang magkakasama. Alam kong hindi ako nagpapabaya sa aking responsibilidad kaya naman ang aking pangarap ay nagbunga ng panibagong pangarap. Ito ay pangarap para naman sa aking mga anak.

Nagsusumikap ako sa ating bansang Pilipinas ngunit mukhang nahihirapan akong makita ang katuparan ng aking mga pangarap para sa aking mga anak. Sa ibang bansa ko ba mahahanap ang kasagutan ng pangarap ko? Nagnilay ako at nagpasiya na magpunta dito sa Korea. Kailangan akong lumayo sa aking mga mahal sa buhay upang makipagsapalaran sa ibang bansa.

Hirap akong huminga at mabigat ang aking dibdib sa oras ng aking pag-alis. Sa tuwing nililingon ko ang aking mag-iina ay lalong bumibigat ang aking pag-alis Hindi ako nasanay na hindi sila kapiling. “Paano kaya sila kapag wala ako? Paano naman kaya ako kapag wala sila?” tanong ko sa aking sarili. Hindi ko na muna maririnig ang musika ng kanilang mga tawa at kakulitan. Hindi ko na muna mararamdaman ang pag-aasikaso ng aking asawa na nagtatanggal ng aking pagod.

Sabi nila kailangan ay matapang at matatag ang isang ama. Alam kong taglay ko ang mga katangiang iyan ngunit bakit hindi ko mapigil ang aking pagluha? Isa lamang ang alam kong dahilan kung bakit ako ay lumuluha. Ito ay hindi dahil sa ako ay mahina at duwag kundi mahal na mahal ko sila at mangungulila ako kapag wala sila sa aking piling.

Ang luha ay masarap kapag bunga ito ng pagmamahal. Ang luha ang nagbigay sa akin ng lakas upang magpatuloy. Ang luha kapag sinamahan ng panalangin at pananampalataya ay nagiging grasya.

Sa aking pagtira dito sa Korea ang luhang dulot ng pagmamahal ay sinuklihan ng Panginoon ng grasya ng presensiya ng isang kapatid na kumupkop sa akin, presensiya ng mga kaibigan at presensiya ng isang pari na nagpatatag sa akin.

Mahirap at malungkot na mapalayo sa pamilya subalit napakasayang malaman na hindi na nawawalan ng bigas sa kawan at hindi na napuputulan ng kuryente pag oras ng bayaran. Nakikita ko na ang bunga ng aking mga sakripisyo. Handang-handa na akong ipagpatuloy ang sinimulan kong pangarap para sa aking pamilya.

Alam kong luluha pa rin ako dahil alam ko na ako ay nagmamahal. Malayo man sila sa akin ngunit di sila nawawalay dito sa aking puso… Mahal na mahal kita, Shiela… Mahal na mahal ko kayo, Stephen at Mandy.

0 comments for this post