ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Sa Araw ng Pasko

By Galilea on 6:49 PM

Filed Under:

Merry Christmas Kapuso at Kapamilya!!!Rachel L. Pangga

Parating na naman ang araw na pinananabikan ng karamihan...ang kapanganakan ni Hesus. Bagamat alam kong may matatanggap akong regalo mula sa aking mga kaibigan at mahal sa buhay ay hindi ko maiwasan ang aking sarili na malungkot dahil hindi ko muling makakapiling ang aking pamilya. Pangalawang Pasko ko na ito na malayo sa aking mga pamilya. Noong una, akala ko hindi ko kayang mawalay sa kanila. Marami kasi akong nakasanayan na gawin kasama sila tuwing paparating ang araw na ito. Buwan pa lamang ng Setyembre ay nilalabas na naming magpapamilya ang mga pangdekorasyon para sa Pasko. Sama-sama kaming bumibili ng mga gagamiting palamuti para sa aming Christmas tree. Hindi namin alintana ang dami ng taong nakikipagsiksikan sa mall at Divisoria para makabili lamang ng mura ngunit magandang pangdekorasyon at pangregalo. Sinisimulan na rin naming planuhin ang aming nakaugaliang kris kringle. Tandang-tanda ko pa nga ang rule namin, dapat kasi walang sabihan kung sino ang aming nabunot ngunit di rin namin ito nasusunod na magkakapatid at ni Mama. Ilang araw pa lamang ay nasasabi na rin namin ito sa isa't-isa maliban kay Papa. Tuwing bisperas ng pasko ay maaga kaming gumigising upang ayusin ang mga dapat ayusin. Si Mama ang naghahanda ng masasarap na pagkain para sa aming noche buena. Tulad ng karamihan, amin din sinasalubong ang pagdating ng araw ng pasko. Nagpapasalamat rin kami sa Panginoon para sa mga blessing na ibinigay Niya sa amin. Aming rin pinagsasaluhan ang masarap na noche buena, nagkukwentuhan at di ma wawala ang picture-taking. Sa oras na ito namin ibinibigay ang mga regalo para sa isa't-isa. Sa mismong araw ng Pasko dumadalaw kami sa aming mga kamag-anak na nasa Laguna. Taun-taon naming isinasagawa ang pagbisita para makapiling sila. Nagkakaroon kami ng mga palaro at sayawan. Tunay ngang kasiya-siya ang araw na ito para sa amin. Hindi ko rin maiwasan ang malungkot. Ngunit naisip ko na kahit malayo ako sa aking pamilya ay mayroong Filipino community dito sa korea na pumupuno sa kalungkutan ko. Kahit na walang masyadong palamuti o walang natatanggap na regalo at engrandeng handaan ay naroon naman ang kasiyahan na ipagdiwang ang kaarawan ni Hesus. Dahil dito ay nababawasan ang kalungkutan at nadarama ko pa rin ang init ng kapaskuhan kasama ang mga kaibigan at ang Ansan Filipino Community.

0 comments for this post