ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Abot Kamay na Pangarap

By Galilea on 9:41 PM

Filed Under:

Al Verdida

Ano ang iyong pangarap? Ang magkaroon ng magandang bahay, kotse, makapagpundar ng sariling negosyo at mabigyan ang ating mga pamilya ng masaganang pamumuhay. Iyan ay ilan lamang sa mga pangarap na karaniwan nating inaasam. Subalit ang mga ito ay hindi nakukuha sa isang pitik lamang ng ating kamay. Bagkus, ito ay pinaghihirapan upang ito ay makamtan. Ngunit sa kabila ng ating pagsusumikap, ang mga pangarap na ito ay waring kay hirap abutin lalo na kung tayo ay nasa sarili nating bayan. Kaya marami sa atin ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa para sa kanyang pangarap.


Gayunpaman, hindi madaling magtrabaho sa ibang bansa. Maraming mga balakid na dapat nating harapin at tiisin upang matamo natin ang ating mga minimithi. Una, sa ating trabaho. Karamihan sa atin ay napupunta sa trabahong ‘di kaaya-aya sa kalusugan at kaligtasan. Dapat lagi nating isa-isip ang pag-iingat sa ating mga sarili sa lahat ng oras para na rin sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay. Ikalawa, sa ating amo at kasamahan sa trabaho. May nakakaranas sa atin ng ‘di pantay na pagtingin o racial discrimination. Ang iba naman ay nagkakaproblema sa pagpapasuweldo sa kanila. Sa ganitong pagkakataon, kailangang habaan natin ang ating pasensya at lawakan ang ating pang-unawa. Dapat nating tandaan na walang problema na hindi nalulutas sa magandang usapan. Panghuli, pagkahomesick. Nagdudulot ito ng matinding depresyon at kalungkutan bunga ng pangungulila sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Upang mapaglabanan natin ito, kailangang libangin natin ang ating mga sarili. Huwag din tayong makakalimot na tumawag sa ating Poong Maykapal upang gabayan Niya tayo sa ating mga gawain. Anuman ang mangyari, tayo pa rin ang gumagawa ng ating kapalaran. Hangga't narito tayo sa Korea, ang ating mga pangarap ay abot-kamay lamang. Kaya huwag nating sayangin ang pagkakataon... ang pagkakataong makamit ang ating mga pangarap.

0 comments for this post