ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
OFW at ELEKSYON

By Galilea on 9:29 PM

Filed Under:

Billy Vela

Kamakailan lamang ay aking napanood ang balita sa mga kababayan natin. Marami sa kanila ang nagtiyaga sa pagpila sa harap ng tanggapan ng TESDA upang makakuha ng Korean Language Test na kailangan bago pumunta dito sa Korea. Hindi nila inalintana ang init at dami ng tao mauna lang sa pila. Ang ilan naman ay hindi na umuwi makasiguro lamang na isa sila sa makakapasok upang makakuha ng nasabing pagsusulit. Bigla ko tuloy naitanong sa aking sarili, “pangingibang-bayan nga ba ang sagot sa lumalalang krisis natin sa Pinas?” Sa aking palagay ay oo, dahil batid naman natin ang hirap ng buhay sa pinas. Halos wala na ngang bakanteng trabaho kaya kailangan natin lumabas ng bansa. Ngunit ilan na nga ba sa ating mga kababayan ang nasawi? Ilan na ba sa kanila ang itinakbo sa pagamutan dahil sa pinsalang natamo likha ng naglalakihan at delikadong makina sa pagawaan? Ilan lamang iyan sa mga problemang ating kinakaharap kapalit ng pangarap na balang-araw ay maiaahon natin ang ating pamilya sa kahirapan. Dugo at pawis ang puhunan nating OFW iyan ang sabi nila. Idagdag pa ang bansag na tayo ang makabagong bayani ng Pilipinas. Ngunit napapahalagahan nga ba tayong mga OFW ng ating gobyerno? Akin lamang napuna na bagamat nagpapasok tayo ng dolyar sa Pinas sa pamamagitan ng ating remittance ay hindi pa rin sumasapat ito bilang ating ambag na tulong sa gobyerno. Hindi dahil sa maliit ang ating ipinadala kundi dahil sa mga pulitikong walang ginawa kundi ang mangurakot sa kaban ng ating bayan. Hindi ko sila nilalahat ngunit sadyang marami ang mga kauri nila.
Ilan pa bang Pilipino ang kailangang lumabas ng Pinas para lamang masagot ang kahirapan? Ilan pang buhay ang ipangtutubos sa ating mga utang?
Kung kailan ito matatapos, ang kasagutan ay nasa kamay ng bawat botanteng Pilipino. Sa nalalapit na Mayo 14 ay muling magaganap ang halalan. Kung nais nating tulungan ang ating bayan piliin ang mga kandidatong tunay na serbisyo ang pakay at hindi negosyo. Piliin ang mga kandidatong may kakayahang maglingkod at hindi dahil sa popularidad. Kandidatong mahusay at may pagpapahalaga sa ating mga OFW nang sa gayon ay hindi na natin kailangan pang lumabas ng bansa. Ating hikayatin ang bawat kasapi ng ating pamilya na lumabas ng bahay at bumoto. Dahil ang bawat isang boto ay kayang lumikha ng malaking pagbabago. Ang pagboto ay ating karapatan. Kung nais natin ng malaking pagbabago… bumoto.
Lahat tayo ay may sariling opinyon sa mga bagay na nagaganap sa ating paligid. Maaaring tama ito at maaari rin namang mali. Ang mahalaga ay kaya mong panindigan ito. At katulad nga ng titulo ng pitak na ito… OPINYON KO ‘TO!

0 comments for this post