ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Paglilingkod

By Galilea on 8:41 PM

Filed Under:

Michael Cacayuran




Marami ang tinawag pero kakaunti lang ang kadalasang tumutugon. Ang kalimitan pa sa mga tumugon ay palaging nalalagay sa hot seat na parang bang bawal magkamali. Sa mga volunteer, pinuno at iba pang mga kahanay nito natural lamang ang pagkakamali at di-pagkakaunawaan. Minsan naghahatid ito ng kaguluhan at pagkakabaha-bahagi. Tanggapin natin na di pare-pareho ang ugali ng tao ngunit magkaganunpaman may dahilan ang Diyos ng pagtatagpo sa bawat isa sa atin.
May mga tao na naniniwala sa Diyos pero di nauunawaan ang kalooban Niya. May mga taong di matanggap ang mga pangyayari sa paligid niya tulad ng kabiguan at mga problema. Meron din namang namumuhi sa kapwa nya. Pero iihip ang hangin kung saan naisin nito! Naniniwala ako na ganyan din ang D’yos kahit hindi maintindihan ng tao.
Bilang isang volunteer naranasan ko ang makisama sa iba’t-ibang ugali ng tao. Sa aking pagmamatyag magkaka-iba talaga ang ugali ng bawat isa. Ang mga di pagkakasundo ay natural lamang, depende kasi ito sa kinalakihan ng isang tao(environment). Subalit kung iisipin, masuwerte pa rin tayo sapagkat napasama tayo sa gumagawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng ibat ibang pamamaraan (music ministry, liturgy, service, at pagsisimba. Masasabi ko isa itong himala, di ba? Bakit natin ito nagagawa ngayon samantalang di naman sa Pinas. May mga kasama rin naman tayo na sanay na sa ganitong pagboboluntaryo, pero iba ang karanasan dito sa korea di ba? Dapat nga ba na nasa katangian ng isang volunteer ang isang matuwid na tao? May mga tao na di matanggap kung bakit naglilingkod sa simbahan ang mga sa tingin nila ay makasalanan. Pero sino tayo para humusga. Naniniwala ako na ang pagrespeto at pagtanggap sa ugali at opinion ng kapwa ang susi para makabuo ng isang pamilyang nagkakaisa, matatag at ikagagalak ng Diyos.
Ang bawat isa ay dapat merong boses at bawat “idea” ay bigyang daan. Sa pamamagitan nito masasabi nating meron tayong pagkakaisa. At sa lahat ng ito marapat lamang na isipin natin at damhin ang kalooban ng Diyos.
Sana maisip natin na pasalamatan ang Diyos sa kanyang mga kalooban at pagkilos sa buhay natin. Huwag nating isipin ang kasiraan ng kapwa at pangsariling interes lamang. Walang taong perpekto. Kung susundin at nanaisin lamang natin ang kalooban ng Diyos, madali nating matatanggap lahat ng bagay na darating sa ating buhay. Hindi natin kailangang magpanggap na banal o santo sa mga tao. Ang kailangan lang ay magpakatotoo tayo. Wala tayong maipagkakaila sa Diyos. Di natin siya maloloko. Tayo ay nilikha Niyang MABUTI at iyan ang Kanyang kalooban. Maging mabuti nawa tayo sa isa’t-isa upang magkaroon ng kapayapaan sa ating Komunidad.
Maghandog tayo lagi ng munting dasal para sa ating Kapwa. Kung lahat tayo ay maghahahandog nito ay naniniwala ako na makakamit natin ang Kapayapaang nagmumula sa Diyos.

0 comments for this post