Sportsfest
By Galilea on 8:45 PM
Filed Under:
Muli na namang nagpakita ng kani-kaniyang kakayahan at talento ang ating mga kababayan dito sa Ansan. Masasabi natin na talaga namang hindi lang sa pagtatrabaho magaling ang mga Pilipino pati na rin sa kahit na anong larangan ng Sports ay kaya nilang makipagsabayan.
Noong nakaraang ika-3 at 10 ng Hunyo,taong kasa lukuyan, ay matagumpay na naidaos ang pagdiriwang ng AFC Sportsfest. Sa pamumuno nina Fr. Noel Ferrer, SVD at Pres. Billy Vela kasama ang mga aktibong miyembro ng AFC, ay sama-sama nilang inayos ang mga kakailanganin sa nasabing okasyon. Nakabuo ng apat na team ang komunidad (Yellow, Red, Blue at Green) na siyang panggagalingan ng mga kalahok. Sa pagkakataong ito ay hindi na lamang basketball ang pwedeng salihan ng mga maglalaro na kagaya ng nakasanayan. Nandiyan na din ang volleyball, table tennis, badminton, darts, chess at scrabble. Binigyang-buhay din ng mga naggagandahan mga muses ng bawat team na nagpamalas ng kanilang kakayahan sa pagsayaw, pagkanta at pagrampa. Idagdag pa rito ang galing nilang sumagot ng mga tanong sa Q&A portion .Ang nakakuha ng titulo bilang Summer Girl 2007 ay ang muse ng Red Team. Humataw ang AFC Dance Troupe sa saliw ng tugtuging Kembot at Get Up.
Umawit din ang ipinagmamalaking singer na si Belle Ariola ng kantang Hawak-kamay. Pagkatapos ng dalawang magkasunod na linggong pakikipagsagupaan ng apat na team sa iba’t-ibang laro ay matagumpay na nakamit ng Yellow team ang unang puwesto. Sinundan ito ng Red Team, Green Team, at Blue Team.
Sa ngalan ng pamunuan, taos-pusong pasasalamat ang gusto naming ipaabot sa lahat ng mga tumulong at sumuporta para mabuo ang okasyong ito. Lalo’t higit sa namumuno ng Wongok High School sa pagbibigay ng tiwala para ipagamit ang kanilang Gym.
Sa kabuuan, may natalo, may nanalo pero hindi ito ang mahalaga sa halip ang aktibidad na ito ay nagbigay-daan upang maipamalas ang hiram na talento, makapagbigay ng kasiyahan at mapagtibay ang samahan ng bawat isa bilang isang pamilya. Nawa ay may napulot tayong aral sa simple ngunit masaya at matagumpay na pagdiriwang na ito. Muli, maraming salamat at Mabuhay ang Ansan Filipino Community!
0 comments for this post