ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Karoling

By Galilea on 9:24 PM

Filed Under:

Richard Francisco

Tandang-tanda ko pa noon tuwing bago sumapit ang pasko, ako at ang mga tropa kong kapwa musmos ay nagtitipon-tipon. Hindi para maglaro ng taguan o piko kundi para makabuo ng isang grupo para mag-karoling. Bitbit ang kani-kaniyang gawang instrumento gaya ng pinitpit na tansan, lata at takip ng kaserola ay matiyaga naming inaawitan ng Christmas songs ang mga bahay-bahay. Wala man sa tamang tono at lyrics ay tuloy pa rin kami sa pagkanta. Tila di rin namin alintana ang pagod kahit pa lumabas ang litid ng aming mga leeg para lang marinig ang aming boses ng may-ari ng bahay. At kapag inabot na ang aguinaldo ay sabay-sabay kaming kakanta ng “thank you, thank you ang babait ninyo….”. Pagkatapos magkaroling ay masaya naming pinaghahati-hatian ang aming nalikom para may pambili kami ng pagkain o gamit sa darating na pasko.

Ang ganitong tradisyon ay nadala pa namin hanggang sa kami ay nagka-isip. Ang pagkakaroling ay isang mabisang paraan para kami ay makakalap ng pondo para sa aming organisasyon. Ang pondong iyon ay siya rin naming ginagamit sa pagsasagawa ng mga projects at para sa pagcecelebrate ng aming taunang Christmas Party. Ang ikatatagumpay ng aming Christmas Party ay nakasalalay sa aming masigasig na pagkakaroling.

Bagama’t tayo ngayon ay nandito sa isang banyagang lugar, hindi ibig sabihin na tatalikuran na natin ang ating mga kinalakihang tradisyon. Masuwerte pa rin tayo at tayo’y napadpad sa isang komunidad na tunay na di nalalayo sa ating lupang kinagisnan. Ang panahon ng kapaskuhan ay damang-dama pa rin sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga tradisyong tunay na angkop sa Paskong Pilipino. Sa pangunguna ng Galilea at AFC Staff ay ating muling nadama ang tunay na diwa ng Pasko malayo man tayo sa ating mga mahal sa buhay. Gaya ng kinagawian, muling kinatok ng Galilea at AFC ang pinto ng kanilang mga sponsors at benefactors para mahandugan ng Christmas Carols. Ngunit sa pagkakataong iyon, ay hindi para makakalap ng pondo o aguinaldo kundi sa pamamagitan ng awitin ay maipadama ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa kanilang walang sawang pagsuporta at pagtulong sa Galilea at AFC.

Sa ngalan ng Galilea at AFC, Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon at tunay nga namang, “…ang babait ninyo thank you!”

0 comments for this post