ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
SANA
By Galilea on 9:22 PM
Filed Under:
Billy Vela
Sana masaya ang lahat ng tao dito sa mundo kung ang lahat ay naghahangad ng kapayapaan para sa lahat.
Hindi ba’t mas masayang pakinggan ang iyak at tawanan ng mga batang naglalaro kaysa sa mga bangayan ng mga pulitikong hindi nagkakasundo?
Hindi ba’t masarap din ang mamasyal sa liwasan at maglakad sa ilalim ng liwanag ng buwan ng walang pangamba? Bagamat alam natin na maaaring may naghihintay na panganib.
Hindi ba’t masaya rin namang mamasyal sa “mall” kahit barya lang ang dala ng walang takot at pangamba na may mangyayaring hindi maganda?
Masarap din namang isipin na lahat ay pantay-pantay, walang mayaman… walang mahirap… At walang pader na namamagitan sa iba’t-ibang pananampalataya ng mga tao.
Masarap din ang makatanggap ng mga papuri lalo na sa mga taong malapit sa iyong puso. Masarap ang pakiramdam kung wala kang kaaway at katampuhan. Masarap din kung walang nanghihila pababa at nagsusumikap bawat isa para sa pag-angat ng lahat.
Alam naman nating lahat na nasa ating mga kamay ang susi ng kapayapaan. Ako ay dalawampu’t apat na taong gulang na ngayon. At sa aking paglalakbay ay marami na akong nakasalamuhang tao. May mga taong nakapagbigay sa akin ng inspirasyon upang magpatuloy sa paglalakbay. May mga tao ring nakapagbigay sa akin ng luha at hinanakit. Silang lahat ay naging bahagi ng aking buhay. Silang lahat ang nagturo sa akin na masarap maglakbay ng may kapayapaan. Mahaba pa ang aking lalakbayin kaya ang tangi kong panalangin ay ang kapayapaan ng bawat isa. Sana ay samahan ninyo ako sa aking pagsusumamo ng kapayapaan sa Panginoon.
Ang kapayapaan ng bawat isa ay kapayapaan ng lahat…
Kapayapaan Sa’yo Kapatid!!!
0 comments for this post