ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
BINAGO NG PANAHON

By Galilea on 9:26 PM

Filed Under:



Michael Cacayuran

“Lahat ay mababago ayon sa Kanyang kalooban.”

Mula sa pagkabata ay madalas na akong isama ng aking Nanay sa kapilya ng aming lugar. Ako pa nga ang taga-kampana sa tuwing malapit na ang misa. Dumating ang pagkakataon na nais kong umawit para sa Panginoon at laking tuwa ko noong napasali ako sa choir ng Parokya. Tuwing dumarating ang Mahal na Araw ay lalong tumitindi ang aking pananampalataya sa pama- magitan ng pagsali sa lahat ng gawain ng Parokya. At lagi akong tinutulak ng aking puso na sumama sa mga prusisyon lalo na kung Biyernes Santo. Sa panahong iyon sa mura kong edad ay masasabi kong aktibo na ako sa Simbahan.

Dumating ang panahon na ako ay nagkaroon ng barkada. Labing-apat na taong gulang nang ako ay nakaranas ng mga bagay na kakaiba. Ang aking barkada ay nakapagdulot sa akin ng kasiyahan na hindi lubhang naipadama ng aking sariling pamilya. Marahil dala ng mga problemang dulot ng sobrang kahirapan kaya madalas nag-aaway ang aking mga magulang at mga kapatid. Sa mga panahong iyon barkada lang ang naging takbuhan ko. Masasabi ko na lahat na yata ng kalokohan ay nagawa ko. Nagawa kong tumigil sa pag-aaral at mag-istokwa. Natuto akong uminom ng alak at manigarilyo.

Ang panahon ay lumilipas at dumarating ang hindi inaasahan. Isang araw kinatok ako ng Panginoon sa isang sitwasyong nakapagpabago ng lahat sa aking buhay...Panahon na umaalingawngaw ang tinig ng Diyos sa aking puso at isipan. Ang aking barkada ay nasangkot sa isang away at isa ako sa mga nasaktan. Nahiwa ang aking braso ng patalim ng kaaway. Dahil sa dami ng nawalang dugo ay nawalan ako ng malay. Nagising na lamang ako sa ospital na mahapdi ang buong katawan. Ang hapdi ay nadagdagan ng lungkot at hiya dahil sa pagmulat ko ay nakita ko ang aking ina na lumuluha sa aking tabi. “Patawad Nanay,” lakas-loob kong sinambit sa kanya. Ang Nanay ko ang lubos na dumamay sa akin sa mga panahong iyon.

Naglakbay ang panahon hanggang sa bumalik ang aking dating lakas. Napakabuti ng Panginoon. Lubha siyang maawain at mapagpatawad. Tunay ngang lahat ay mababago ayon sa Kanyang kalooban. Niloob niyang baguhin ako at sa aking pagbabago naramdaman ko at nakita ang hindi Niya pagpapabaya sa akin. Dinala Niya ako dito sa Ansan na kung saan ay lalong lumalim ang paninilbihan ko sa Kanya. Dito ko rin natagpuan ang aking asawa na naging kasama ko sa paglalakbay tungo sa mas malalim na pananampalataya. Higit sa lahat ay binigyan Niya ako ng anak na nagbibigay inspirasyon at lakas sa akin. Ang lahat ng ito ay kinikilala kong himala sa aking buhay. Kaya habang-buhay kong pupurihin ang Panginoon sa kabutihan at pag-ibig Niyang hindi magmamaliw!

0 comments for this post