ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
SA TAMANG PANAHON
By Galilea on 10:03 PM
Filed Under:
Fr. Noel Ferrer, SVD
May mga bagay sa ating buhay na mahirap maintindihan at bumabagabag sa atin. Mga bagay na kailangang pagnilayan ng mabuti. Sa mga nagtatanong kung bakit ako nagpari ay narito na ang aking pagbabahagi.
Ang aking mga magulang ay pawang pala-simba. Ang Nanay ko ay aktibo sa Simbahan. Bukod sa pagsisimba ay lagi akong isinasama sa mga block rosary, stations of the cross, prusisyon at kung minsan sa mga pilgrimage. Masaya ako dahil sa mga pagtitipon na iyon ay laging may kainan. Ang hindi ko alam ay may isang buto na inihasik sa akin at ito ay tumubo at lumago.
Noong ako ay nasa ika-anim na baitang ay nakumbida akong pumasok sa seminaryo.
Tumugon ako sa paanyaya. Tinanggap na ako ng seminaryo at handa na ako. Ngunit hindi sumang-ayon ang aking mga magulang. Ang sabi nila bata pa raw ako.
Noong ako ay high school ay nag-aral ako sa isang eskwelahan na pag-aari ng mga madre. Ang eskwelahan ay katabi lamang ng Simbahan. Dahil sa lagi akong nakakakita ng mga madre at mga pari ang aking pangarap na makapasok sa seminaryo ay buhay pa rin sa aking puso at isipan. Sa panahong iyon ay gusto kong matapos agad ng high school.
Noong 4th year ako ay excited na akong makatapos upang makapasok na sa seminaryo. Ngunit naglaho ang pangarap ko ng malaman kung may malaki kaming problema sa pera. Dahil sa mahal ang matrikula sa seminaryo ay hinding-hindi ko binanggit ang tungkol sa aking pangarap.
Kung naging masakit sa akin ang di ko pagpasok sa seminaryo noong ako ay nasa high school ay mas masakit noong ako ay nasa kolehiyo na. Pinilit kong ilagay ang aking puso’t isipan sa kursong aking pinili. Hanggang dumating ang araw na akala ko’y naglaho na ang aking pangarap. Noong malapit na akong magtapos sa aking kurso ay sumama ako sa isang Born Again prayer community. Naging “challenge” sa akin ang pagsama sa kanila dahil hinanap ko ang kasagutan sa marami nilang katanungan tungkol sa pananampalatayang Katoliko. Sa tulong ng aking pamilya at ng mga pari ay natagpuan ko ang mga kasagutan. Naging buhay na buhay ang pananampalataya kong Katoliko sa mga sandaling iyon. Dahil dito ay nagbalik ang aking pangarap na makapasok sa seminaryo.
Pagkatapos ko sa kolehiyo ay nakahanap agad ako ng trabaho sa Philippine National Bank. Naging maayos ang mga sumunod na taon. Noong pang-apat na taon ko na sa bangko ay dumalo ako ng isang “retreat” na pinamahalaan ng Diocese. Matindi ang “impact” sa akin ng dalawang araw na pagdarasal at pakikinig sa Salita ng Diyos. Nagbalik ang aking pangarap ngunit sa mga sandaling iyon ay hindi ko na pinansin.
Ang mga sumunod na araw ay naging mabigat sa akin ngunit hindi ko makita kung ano ang nagpapabigat. Kumuha ako ng sarili kong bahay at inaliw ko ang aking sarili sa pag-aayos nito. Akala ng pamilya ko ay naghahanda na ako sa buhay pag-aasawa.
May babae naman sa aking buhay. Alam ko kasi na iyan ang susunod na itatanong ninyo. Mula pa high school ay magkaibigan na kami. Siya ay nakatira sa America at nagbalik-bayan siya noong ako ay nagsarili ng tirahan. Kaya akala talaga ng karamihan ay naghahanda na ako sa buhay pag-aasawa. Ang hindi nila alam ay nag-aapoy ang pagnanasa kong makapasok sa seminaryo. Ipinagtapat ko sa kanya. Nabigla siya noong una ngunit nang malaman niya ang kwento ko ay ibinigay niya ang kanyang pagbabasbas. Hindi mahirap sa kanya na tanggapin ang pangarap ko dahil malapit din siya sa Simbahan. Naging mabilis ang mga pangyayari. Dumating ang panahon na aking inaasam-asam. Ako ay pumasok sa seminaryo noong June 1992. Ako ay 27 na taong gulang noon. Mahirap ang buhay sa seminaryo ngunit naging masaya ako. Siguro kung pumasok ako sa murang edad ay hindi ako nagtagal. Marunong talaga ang Diyos. Ibinigay Niya ang aking hinihintay sa tamang panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post