BANGUNGOT
By Galilea on 8:41 PM
Filed Under:
Ang bangungot o Sudden Unexplained Nocturnal Death (SUND) ay biglaan at hindi inaasahang pagkamatay ng isang tao habang natutulog. Minsan ay walang karamdaman ang nababangungot. Kadalasan, ang nagiging biktima nito ay mga kalalakihang mula sa Timog-Silangang Asya tulad ng Pilipinas, Vietnam, at Laos. Sa Tagalog, ito ay hango sa salitang bangon (to rise) at ungol (to moan).
MASAMANG PANAGINIP? Ito'y simpleng pinaniniwalaang masamang panaginip lamang at walang masamang epekto sa isang tao. Ito ay nag-ugat sa dahilang ang nakaligtas sa bangungot ay madalas inilalarawang nanaginip na tila nahuhulog sa kawalan at habang nararanasan ito, nakakaramdam ng tila may pumipigil sa kanyang paggalaw at pag-gising. Ang mga ganitong paniniwala ay pamahiin lamang.
ALAK AT ALAT? Sa unang pagsusuring isinagawa, masasabing ang dahilan ng bangungot sa mga Pilipino ay pamamaga ng lapay o pancreatitis. Sa mundong medikal, tinatawag din itong acute hemorrhagic pancreatitis. Sinasabing ang pancreatitis ang dahilan ng bangungot at pinaghihinalaang dulot ito ng sobrang pag-inom ng alak at pagkaing maaalat tulad ng bagoong at patis. Ang ating lapay o pancreas ang responsable sa paggawa ng mga enzymes o kemikal na tutunaw sa ating mga kinain subalit dahil sa pamamaga, nagiging abnormal ang kemikal na inilalabas nito.
SAKIT SA PUSO? Kamakailan lamang lubos na nasuri at naunawaan ang tunay na dahilan ng ganitong karamdaman. Ayon sa otopsiya, hindi lahat ng mga naging biktima ng bangungot ay kinakitaan ng sakit sa puso. Subalit habang umaatake ang bangungot sa isang tao, ang aktibidad ng puso ay nagiging iregular. Ang tibok ng puso ay bumabagal hanggang tuluyang tumigil na nagiging dahilan sa pagkawala ng malay habang natutulog. Ang biktima ay nakakaligtas kung ang pagtibok ng puso ay bumalik sa normal.
STRESS AT KALUNGKUTAN? Ang aspetong madalas makaligtaan at di nabibigyan ng pansin ay ang mental na kalusugan ng isang tao. Mapapansing sa halos lahat ng bansang may ganitong karamdaman
karamihan sa mga apektado ay mga kalalakihang nagtatrabaho sa ibang bansa o migrant workers. Ito ay sa dahilang nakakaranas sila ng stress o kalungkutang pilit na ikinukubli at nagpapakita ng kalakasan sa kabila ng anumang problema. Ang di pagpapakita ng kahinaan at pagpigil sa ganitong emosyon ay may malaking epekto sa bangungot.
NAMAMANA? Ayon sa mga eksperto, ang ganitong sakit ay kadalasang namamana. Kaya pinapayuhang magpatingin sa espesyalista ang sinuman na ang kamag-anak ay naging biktima o namatay dahil sa bangungot.
MARAMING NABANGUNGOT SA KOREA? Ayon sa Philippine Embassy 80% sa mga namatay na Pilipino dito sa Korea noong 2005 ay dahil sa bangungot. Ayon sa pagsusuri karamihan sa kanila ay natulog na busog na busog o lasing na lasing at pagod sa trabaho. INGAT KA KAPATID.
0 comments for this post