Kwentong Immigration
By Galilea on 8:45 PM
Filed Under:
Posas? Posas nga ba ang nasa aking mga kamay? Nagulat at natulala ako sa malamig na bakal na nilagay sa aking mga kamay. Pakiramdam ko ay isang kriminal na nakagawa ng mabigat na kasalanan. Nais kong ma-ngatuwiran ngunit alam ko na hindi rin kami magkakaintindihan. Lalo akong nalungkot noong isinakay na kami sa sasakyan. Wala sa mga oras na iyon ang aming amo…
Tatlo kaming lumipat sa isang kumpanya. Trainee Visa ang dalawa sa amin at EPS Visa naman ang isa. Sa aming limang buwan na pagtatrabaho dito sa Korea ay wala pa rin kaming dokumento na nagpapatunay na kami ay legal. Nabalitaan namin na may “Intensive Crackdown” kaya nilapitan namin ang bago naming amo upang humingi ng dokumento na magpapatunay na kami ay legal. Ang sagot sa amin ay, “Huwag kayong mag-alala. Ako ang bahala.” Paulit-ulit kaming nagpapaliwanag ngunit para kaming nakikipag-usap sa pader.
Dumating nga ang araw na aming pinangangambahan. Pinasok ng mga tao ng Immigration ang aming kumpanya. Habang binabagtas namin ang daan patungong Immigration Office sa Incheon ay tumawag ang aking kasama sa Galilea Migrant Center upang humingi ng tulong. Mabuti na lang at nasa amin pa ang aming mga hand phones. “Gagawin namin ang aming makakaya,” sagot ng Galilea.
Nilagay kami sa isang maliit na silid kung saan iba’t-ibang lahi ang naroroon. Siksikan kami sa silid kaya siksik din ang kaba na naramdaman namin. Nawalan na kami ng pag-asa na mabigyan ng katarungan ang aming kalagayan. Nagtatanong ang aking puso’t isipan: Katapusan na nga ba ng mga pangarap na minsan kong hinangad? Dito na lang ba magtatapos ang mga sakripisyong aking ginawa upang makaapak ng Korea? Gustong sumigaw ang puso ko kung dapat nga ba? Nagtanong sa Diyos, DAPAT NGA BA? Welcome Philippines na nga ba? Maya-maya ay may lumapit na empleyado at sinabi sa amin na makakalaya na kami. Susunduin daw kami ng aming amo. Mabuhay! Di pa pala “Welcome Philippines!” kundi “Welcome Korea!” pa rin.
Sa mga sumunod na oras ay nalaman namin na ang Galilea ang gumalaw upang kami ay mabigyan ng katarungan. Napakasarap pala ng pakiramdam kapag nabibigyan ka ng katarungan. Napakasarap pala ng pakiramdam kapag nabibigyan muli ng pag-asa ang iyong buhay. Labis ang aming pasasalamat sa Panginoon dahil hindi Niya kami pinabayaan. Ginamit Niya ang mga bumubuo ng Galilea Migrant Center para kami ay tulungan. Huwag nawa sanang magsawang tumutulong ang Galilea sa mga taong may mga pangarap sa buhay dahil masarap isipin na may kasama kami sa paglalakbay dito sa Korea. Mabuhay ang mga bumubuo ng Galilea Migrant Center!
Maraming salamat at mahal namin kayo!
0 comments for this post