ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Pulpop Saram

By Galilea on 7:10 PM

Filed Under:

Merry Christmas Kapuso at Kapamilya!!!Billy Vela

Maraming mga Pilipino ay nagnanais makapangibang bayan ngunit iilan lamang ang nabibigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho katulad dito sa Korea. Kaya naman ang ilan sa ating mga kababayan na malapit ng matapos ang pinirmahang kontrata ay hindi na muling bumabalik sa Pinas sa halip sila ay tumatakas sa kanilang mga amo. Sa ganitong pagkakataon, sila ay matatawag na pulpop saram o illegal.
Ayon sa aking mga kaibigang pulpop saram ay hindi daw madaling tumakas sa kanilang mga amo. Maraming bagay ka daw na dapat isakripisyo tulad ng isang buwang sweldo, tejikom o separation pay at ilang mga personal na gamit. Hindi daw kasi lahat ng amo ay binibigay ang naiwang sweldo at gamit dahil nga ikaw ay iligal na.
Ayon pa sa kanila, bihira na rin daw silang nakakalabas ng kanilang mga bahay dahil nagkalat na ang mga tinuturing nilang kalaban...ang immigration officers. Hindi na sila madalas sumakay ng bus sa halip ay lagi na silang nakasakay sa inuupahang callvan papasok at pauwi ng trabaho. Maging sa mga palengke ay hindi na rin sila libre dahil naroon na rin ang mga immigration officers para manghuli. Kaya naman madalas ay sa gabi sila lumalabas para mamili. Kung minsan naman kung meron lang din sapat na pera ay bumibili na sila ng pang-imbak na pagkain at ulam para hindi na mapadalas ang kanilang paglabas. Sa ganitong pagkakataon malaki daw ang tsansa na hindi mahuli. Maging ang mga kumpanya ay hindi na ligtas para sa mga tulad nilang iligal. Binibisita na rin kasi ang mga lugar na tulad nito. Kaya naman doble ingat na ang mga kababayan nating pulpop saram. Tanging ang araw na lamang ng linggo nila nararamdaman ang kalayaan dahil ayon sa kanila ay wala ang mga tinuturing nilang kaaway.
Dahil sa sobrang higpit ngayon ng immigration officers, naisip ko tuloy kung bakit nagtitiis ang mga kapatid nating Pilipino na magtago ng magtago kung pwede naman silang umuwi ng Pinas at doon magtrabaho. Hindi kaya naman ay mag-aplay uli para muling makabalik.
Ito ang aking opinyon, mahirap ang kalagayan ng ating mga kababayang pulpop saram dito sa Korea. Ngunit alam kong batid lang nila na mas mahirap ang kanilang magiging kalagayan sa ating sariling bayan. Sino nga ba ang ayaw makasama ang sariling pamilya tuwing araw ng pasko at ibang mahahalagang okasyon? Tinitiis na lamang nila ang pagiging malayo sa kanilang mga pamilya kapalit ng kasiguraduhan na may maihahain ang mga ito sa hapag-kainan.

Hindi ko kayo nais hikayatin na dumagdag sa bilang ng mga pulpop saram dito. Nais ko lamang na tulungan silang ipaunawa sa inyo ang kanilang mga sariling dahilan kung bakit pinili nilang mamalagi dito ng iligal.Mayroon tayong mga sariling opinyon sa lahat ng mga nangyayari sa ating paligid. Maaaring tama ang aking opinyon at pwede rin naman na mali. Ngunit katulad ng titulo ng pitak na ito …OPINYON KO 'TO!

0 comments for this post