ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Regalo
By Galilea on 6:46 PM
Filed Under:
Naisip na ba natin kung para kanino ba talaga ang pagdiriwang ng Pasko? Tayong mga Kristiyano alam natin na ipinagdiriwang ito bilang pag-alaala sa kapanganakan ng ating tagapagligtas. Likas na sa ating mga Pilipino na ipagdiwang ang pasko sa pamamagitan ng paghahanda ng mga pagkain sa bisperas at pagbibigay ng aginaldo sa mga taong malalapit sa ating mga puso. Subalit hindi natin magawang magbigay ng regalo sa mga taong kagalit natin. Kadalasan, nakakalimutan natin kung sino ang dapat bigyan ng regalo. Naisip ko kung may maibibigay ba akong regalo kay Hesus sa kanyang kaarawan. Noong oras na iyon naisip ko ang aking kaaway at ito ay ang aking kapatid. Kamakailan, nakatanggap ako ng mensahe mula sa aking ina na nangangailangan raw ng tulong ang aking kapatid. Sagot ko, "Magtetext na lang po ako, pag-iisipan ko muna." Sobra ang galit ko sa kapatid ko kaya di ko masagot na tutulungan ko siya. Subalit napagnilayan ko na nagagawa kong tumulong sa ibang tao samantalang sa kapatid ko ay hindi. Ngayon ay naisip ko na kung ano ang maiiregalo ko kay Hesus at ito ay ang kapatawaran para sa aking kapatid. Tama! Ito ang magandang regalo para sa Kanya. Ang aking puso na may pagpapatawad. Ako'y nagpapasalamat sa aking kapatid dahil siya ang naging instrumento upang mabigyan ko ng regalo ang tunay na may kaarawan ngayong Pasko. Puso ko lang ang kaya kong iregalo sa iyo. Maligayang kaarawan Hesus!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post