ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Bagong Pag-asa, Bagong Buhay

By Galilea on 9:53 PM

Filed Under:


Michelle Calipis

Linggo, nang magtungo kami sa Hyewa upang makinig ng Banal na Misa dahil sa dami ng tao, di agad kami nakapasok sa loob ng simbahan. Ang tanging naririnig ko lamang ay ang tinig ng paring nagmimisa, natuwa ako kasi si Father Noel (na-miss ko siya aking nasambit sa aking isipan).
Pagkatapos ng Banal na Misa ay namili kami ng mga Philippine products sa labas ng simbahan at aming nakasalubong si Father Noel kung kaya't nag-bless kami sa kanya, dahil sa dami ng tao hindi kami nagkaroon ng pagkakataong mag-usap kung kaya tinext ko na lang cya. Sabi ko "Father miss ko na po kayo" at sya ay nag-reply " miss na din kita, you are so pretty, blooming talaga" Di ko alam iyon na pala ang huling pagkakataon na makakatanggap ako ng compliment. Ilang sandali pa, nakaramdam ako ng pagod kung kaya't nagyaya na akong umuwi. Pagdating ko ng bahay ay nilalagnat na ako, uminom ako ng gamot at nagpahinga na.
Lunes, araw ng naman ng pagtatrabaho, nakaramdam ako ng pananakit ng ulo ngunit binalewala ko ito, pinilit ko pa ring pumasok. Pabalik-balik ako sa C.R. dahil panay ang pagsusuka ko. Uminom lang ako ng gamot sa sakit ng ulo at konting sandali pa ay naibsan ang pananakit nito.
Martes, masama pa din ang pakiramdam ko ngunit pinilit kong bumangon muli upang maghanda na sa pagpasok sa trabaho. Bandang alas-tres ng madaling-araw ng sumama ang aking katawan, kaya't sinabi ko sa aking amo na hindi ko na kaya. Bakas na aking mukha ang pamumutla at ang hirap kaya't agad niya akong pinayagang umuwi upang magpahinga.
Miyerkules ng umaga, sinamahan ako ng PANJANG NIM ko upang magpa-check up. Kinuhanan ako ng dugo at makalipas ang ilang sandali ay lumabas ang resulta. Bakas sa mukha ng doktor ang pangamba. Kinausap nya ang PANJANG NIM ko at maya-maya pa ay sinabi sa akin na kailangan ko raw madala sa isang malaking ospital upang magpagamot. Tinawagan ng PANJANG NIM ko ang SAJANG NIM namin at sinabi ang resulta ng blood test na hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi ko pa rin alam kung ano. Bumalik kami sa kumpanya at kinausap ako ng SAJANG NIM. Sabi niya kailangan ko raw magpagamot kaagad dahil ako ay may Leukemia. Hindi ako makapaniwala. "Hindi totoo yan! baka mali ang findings ng doktor" nasambit ko, ngunit sinabi ng SAJANG NIM namin na mas makabubuti kung magpapatingin ako sa isang malaking ospital upang makahingi ng second opinion at upang matiyak na rin kung ano talaga ang sakit ko.
Sinunod ko ang gusto nila, nagpunta kami sa Gacheon Gil Hospital. Pagdating namin ay kinuhanan agad ako ng dugo. Gabi na ng malaman ko ang resulta. Ganun pa rin ang findings gaya sa unang ospital na pinanggalingan namin. Kaagad akong in-admit sa ospital. Bigla kong naalala ang dahilan ng pagkamatay ng pinsan ko, labis akong nangamba kaya't itinext ko ang kapatid ko na nasa Gumi, Korea. Nalaman kong Leukemia pala ang ikinamatay niya. "Matagal ba bago nila na-detect yun?" tanong ko kay Anna. "Bakit mo ba tinatanong? Hindi ka magiging interesado kung wala kang dahilan!", sagot ni Anna. Kaya't nagsinungaling ako sa kanya, sinabi kong mayroon akong kaibigan na nasa ospital at nagtataka kami kung bakit ang bilis naman ng findings na Leukemia ang sakit niya. Hindi nagreply si Anna bagkus ay tumawag siya.
Tinatanong niya kung sinong kaibigan ko ang nasa ospital, sabi ko'y hindi mo siya kilala. Kung kaya't ikinuwento niya sa akin ang pagkamatay ng pinsan namin na namatay mismo sa harap nya. Nang matapos ang pag-uusap namin takot na takot ako at walang tigil sa pag-iyak dahil sinabi ni anna na isang buwan lang matapos ma-detect na may LEUKEMIA ang pinsan ko ay namatay na ito. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa pamilya ko. Hindi ko rin alam kung anong pwedeng mangyari sa akin kung kaya't nagdesisyon akong sabihin na kay anna ang totoo. Tinawagan ko sya, "hello, anna nasan ka na?" tanong ko. "Eto papasok na ako ate" sagot nya. Bigla akong natigilan kung kaya't tinanong n'ya ako "hello ate nasaan ka ba talaga?" dalawang beses nyang inulit yon bago ako sumagot,"nasa hospital", sabi ko, umiyak ng umiyak ang kapatid ko dahil sa sobrang pag-aalala sa akin. Gustung-gusto na n'ya akong puntahan ngunit kailangan pa niyang pumasok sa trabaho at wala na rin namang byahe ng mga oras na iyon. Kaya't nagdesisyon sya na puntahan na lang ako kinabukasan.
March 22, isinagawa ang bone marrow biopsy. Hapon na ng lumabas ang resulta. Confirmed na positive ako sa LEUKEMIA. Pagkalipas ng ilang sandali ay dumating si anna. Pinag-usapan namin kung paano ipapaliwanag sa aming pamilya sa Pinas ang aking kalagayan. Iniisip namin na kaarawan pa naman ng aming ama kinabukasan.
March 23, tumawag ang mama ko kay Anna, tinatanong kung may problema raw ba kaming magkapatid, kasi di raw nya maintindihan kung bakit sya kinakabahan (ang mother's instinct talaga). Nagsinungaling si anna dahil nagkasundo kami na palilipasin muna namin ang kaarawan ng aming ama bago namin aminin ang totoong nangyayari. Nagpatulong kami kay Fr. Noel upang mas maipaliwanag sa aking ina ang totoo. Sinabi nya na wag masyado mag-alala dahil iba ang technology dito at hindi nila ako pababayaan kung kaya't pansamantalang napanatag ang kalooban ng aking pamilya.
Nang mga sumunod na araw ay inilipat ako sa isolated room, kinalbo ako bilang paghahanda sa CHEMOTHERAPY.
Isinagawa ang chemo at sa tulong ng mga dasal ng mga kaibigan at ng pananalig ko sa KANYA naging maayos naman ang proseso maliban lamang sa mga side effects ng gamot, gaya ng pagsusuka, pagiging sensitibo sa pang-amoy , pagkawala ng gana sa pagkain, lagnat at pagkahilo. Natapos ang chemo sa loob ng isang linggo ngunit ang side effects ng gamot ay hindi pa rin nawawala. Salamat na lang sa Diyos dahil naririto ang kapatid ko para manguna sa araw-araw naming pag-awit ng mga worship songs at pagdulog sa PANGINOON sa lahat ng aking nararamdaman.
Para sa akin ang bawat umaga ng aking buhay ay may hatid na bagong pag-asa na ako ay tuluyang pagagalingin ng Panginoon. Naniniwala akong walang imposible sa kanya kung kaya't ngayon pa lang ay inangkin ko na ang kagalingan na nagmumula lamang sa Kanya. Alam ko na may plano ang Diyos sa aking buhay kaya Nya ibinigay sa akin ang pagsubok na ito. Maaaring hindi ko pa lubos na naiintindihan sa ngayon kung ano ang plano Nya pero alam kong darating ang panahon na mauunawaan ko rin ang lahat.
Sa kabila ng lahat ng pangyayaring ito sa aking buhay ay hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa dahil naniniwala ako na hindi ito ibibigay sa akin ng Panginoon kung hindi ko ito kakayanin. Paraan Nya lamang ito upang subukin kung gaano katatag ang aking pananampalataya sa Kanya at upang hubugin ako sa iba pang laban ng buhay. Patuloy akong nananalangin at nananalig sa Panginoon na ibibigay Nya sa akin ang ganap kong kagalingan.

0 comments for this post