Pera o Badong
By Galilea on 9:55 PM
Filed Under:
Taba at Soy
Maituturing na tanong na istupido
Matatawag mong ako’y isang ipokrito
Ngunit bago tayo magkagulo-gulo
Makinig muna kayo sa aking ikukuwento.
Minsan si Badong ay nangarap
Pamilya’y mai-ahon sa matagal ng hirap
Ginhawa sa buhay kanyang maipalasap
Kahit ang paglayo sa Mahal ay tinanggap.
Baon ang pangako, bitbit ay pag-asa
Pangungulila’y di niya alintana
Sa puso’t isipan laman ang pamilya
Para sa kanila walang hindi makakaya.
Di naglaon pangarap ay abot-kamay na
Ramdam ng pamilya unti-unting ginhawa
May ngiti na sa labi, na dati’y pangungulila
Konti pa Badong, tiis lang, kayod pa.
Panahon ay lumipas ikaw ay nakalimot
Sa salapi’t kamunduhan ikaw ay nalunod
Pangakong binitawan sa Mahal ay nagbago
Oras at suporta mo lahat ngayo’y naglaho.
Di ba’t sa simula’y sila ang dahilan,
Ng iyong pangarap kaya’t ika’y lumisan?
Nasan ang pangakong matamis mong iniwan?
Nasan ang pagmamahal ng ngayo’y tinalikuran?
Gising na Badong, di pa huli ang lahat
Ang makasama ka sa kanila na ay sapat
Yaman at tagumpay ay walang saysay
Mahalaga’y isang Ama, at iyong patnubay.
Ako’y di perpekto para ituro ang tama,
Tao rin ako, minsa’y nadarapa
Isa akong Kaibigan na nagpapaalala,
Bangon na Badong, naghihintay sila!
0 comments for this post