ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
Soccer 2007

By Galilea on 10:03 PM

Filed Under:

Manny Manongsong


Muling idinaos ang International Unity Festival noong nakaraang ika-28 ng Oktubre ng taong kasalukuyan sa Wa Stadium, Ansan City. Isa sa mga highlights ng pagdiriwang ay ang paglalaro ng soccer ng labing-anim na koponan na galing sa ibat-ibang bansa. At syempre pa ang ating bansang Pilipinas na kinatawanan ng Ansan Filipino Community Team. Muling nagpakitang gilas ang ating mga manlalaro bagama’t wala silang sapat na kaalaman sa larong ito.

Nagkaroon ng maikli at simpleng programa sa simula ng palaro. Pinangunahan ito ng paunang salita mula sa Mayor ng Ansan na si Joo Won Park at kasunod ang buong husay na panunumpa ng mga manlalaro. Matapos nito, ipinamahagi din ang uniform ng mga manlalaro. Nakatunggali ng ating mga manlalaro ang bansang Nepal sa unang yugto ng palaro. Sa unang sagupaan pa lamang makikitang pursigidong bantayan ng maayos ng ating mga manlalaro ang kalaban. Ginawa nila ang lahat upang di makapuntos ang kalaban subalit dahil sa kakulangan ng sapat na ensayo, nakaramdam agad ng pagod ang ating mga manlalaro na dahilan upang humina ang depensa. Dito nakakita ang kalaban ng pagkakataon upang maka-goal. Nakaisa ang Nepal at nasundan pa ng isa at ng isa pa at bago natapos ang oras ng paglalaro, nakahirit pa ng isa ang Nepal. Hindi na nakaporma ang ating manlalaro. Natapos ang laro sa score na 4-0.

Sa bawat kompetisyon, pagsubok, o hamon sa ating buhay ay laging may nananalo at natatalo. Hindi man nila nalasap ang pagkapanalo, hindi pa rin mababakas sa mga mukha ng ating mga manlalaro ang pagkatalo. Makikita pa rin ang saya at ngiti sa kanilang mga labi. Pagpapatunay lamang na ang nasabing palaro ay hindi lamang tungkol sa pagkapanalo, kundi upang maipakita ang ating suporta para sa kapakanan ng pakikiisa. Isa na namang kakaiba at di malilimutang karanasan ang naganap sa nasabing pagdiriwang.

0 comments for this post