ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
AKO AT ANG ALAK
By Galilea on 8:56 PM
Filed Under:
Sa karamihan, ang pag-inom ng alak ay may malaking bahagi sa pangsosyal na buhay. Ang tamang dami ng pag-inom -- 2 shots kada araw para sa mga lalake at 1 shot naman para sa mga babae ay walang masamang maidudulot sa ating pangangatawan. Subalit madaming bilang pa din ng tao ang nahuhumaling at nagkakaproblema dahil sa sobrang pag-inom ng alak. Masasabing milyon-milyong tao ngayon ang matatawag na "alcoholics."
Ang epekto ng sobrang dami ng alkohol sa katawan ay mapanganib sa ating kalusugan. Ang isang alcoholic ay maaaring makakuha ng sakit na kancer sa atay, lalamunan, at esophagus. Maaari ring makakuha ng sakit na pamamaga ng atay (liver cirrhosis), panghihina ng pangangatawan, magkaroon ng masamang epekto sa pag-iisip (brain damage), at lubhang mapanganib para sa mga nagdadalang-tao. Dagdag pa dito, naitalang malaking bilang ng pagkamatay ay dulot ng aksidente sa mga sasakyan na sanhi ng pagmamaneho habang lasing. Madaming pangyayari din ng suicide o pagpapakamatay at krimen ay gawa ng mga taong nasa impluwensiya ng alak.
Ano ba ang alkoholismo?
Sa pinakasimpeng kahulugan, ito ay patuloy at sobrang pagkahilig o adiksyon sa alak. Ito ay sakit na nakakaapekto hindi lamang sa taong nasa impluwensiya ng alak kundi pati na rin sa mga taong nakapaligid sa kanya. Masasabing ang isang tao ay alcoholic kung mararanasan ang mga sumusunod na sintomas.
a. Craving o sobrang pagnanais- Labis na pangangailangan at pagkahilig sa alak.
b. Pagkawala ng control- Di maiwasang pag-inom ng madami sa anumang okasyon.
c. Physical dependence o pangangailangan ng katawan.-Pagkaranas ng masamang pakiramdam, pagpapawis, panginginig, at pagkabalisa dulot ng biglaang pagtigil matapos ang mahabang panahon ng maramihang pag-inom.
d. Tolerance- Ang pangangailangan ng mas marami kumpara sa dati bago maabot ang pagiging "high" o ang nais na epekto ng alak.
Hindi madaling maintindihan ng mga taong hindi alcoholic ang dahilan kung bakit mahirap itigil ang pagkalulong sa alak. Dahil ang pagnanais ng biktima na uminom ng alak ay maikukumpara sa kagustuhan nitong kumain kapag siya ay gutom at uminom ng tubig kapag labis ang pagkauhaw.
Lunas o tulong
Di madaling matanggap ng isang alcoholic na kailangan niya ng tulong sa ganitong problema. Pero mas makakabuting agad itong mabigyang pansin sapagkat mas maagang solusyon, mas mabilis na paggaling at madaling pagbangon mula sa pagkalulong sa alak.
Ang lunas o solusyon sa taong alcoholic ay depende sa kunsumo niya ng alcohol. Maaaring gamitin ang detoxification o proseso ng ligtas at maingat na pagtanggal ng alcohol sa katawan o maari din ang pag-inom ng gamot ayon sa reseta ng doktor gaya ng Disulfiram at Naltresone upang maiwasan ang pagbalik sa dating nakaugalian matapos tumigil sa pag-inom.
Makakatulong din ng malaki ang group counselling upang mas mabilis na makaiwas sa mga karanasang nagtutulak sa kanya upang uminom muli.
Gayundin ang suporta ng pamilya ay mahalaga sa mabilisang paggaling ng pasyente.
Sources:
www.reutersshealth.com
emedicine-alcoholism by Warren Thompson , MD.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments for this post
thank you napakalaking tulong nitong site na ito sa proj. ko sana mas madami pang maibigay na impormasyon sa mga taong katulad ko...
tnx and more power!!