ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
ANG UGAT AY PAG-IBIG

By Galilea on 9:08 PM

Filed Under:


Emmalee Araza

Minsan sa buhay natin ay dumarating ang di inaasahan. May makakatagpo ka sa unang pagkakataon at sa unang tingin pa lamang ay nasabi mo na siya ang taong hinihintay mo sa buhay. Subalit malalaman mo na lamang sa mga susunod na araw na hindi na pala siya malaya.

Kadalasan ang taong nagmamahal ay di basta bumibitaw. Kahit na sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan, umaasa pa rin na isang araw ay magkakaroon ng katugunan ang kanyang damdamin. Kaya pag may pagkakataon ay ipinapadama at ipinapakita sa simpleng mga bagay at gawa ang kanyang nararamdaman.

Base sa aking karanasan ay masasabi kong masarap ang umibig. Pag-ibig na inalay ko sa isang taong di natugunan ang damdamin ko dahil sa may iniibig na siyang iba. Maraming beses akong nasaktan dahil kahit anong aking gawin ay di pa rin niya ako magawang mahalin. Ngunit sa kabila ng lahat ay di ako sumuko o nawalan ng pag-asa. Sabi nila nakakaawa raw ang aking katayuan. Nakakaawa nga ba? Marahil ay nakakaawa nga sa paningin ng nakararami subalit para sa mga taong nakakaintindi sa aking damdamin… ako’y hindi.

Minsan sa ating buhay ay dumarating ang isang karanasan na may kasamang hapdi ngunit puno naman ng kulay. Bihirang dumating ang ganitong pag-ibig sa buhay ng isang tao. Kaya masasabi ko na ang aking naranasan ay isang biyayang kaloob ng Diyos. Sa kabila ng walang tugon sa aking pag-ibig ay taos puso ko itong tinanggap. Ang mahalaga ay naranasan ko kung paanong umibig ng tunay. Hindi ba’t mahalaga sa isang tao ang makaranas ng tunay na pag-ibig?

Sinabi ng Panginoong Hesus na darating ang araw na mawawala ang lahat ng bagay dito sa mundo maliban sa pag-ibig. Kung ang ispirituwal na aspeto ng aking karanasan ang aking titingnan ay masasabi kong naintindihan ko na kung bakit ibinigay ni Hesus ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Walang katumbas ang pagmamamhal ng Diyos sa atin. Pag-ibig ang ugat kaya Niya tayo iniligtas. Kung ikukumpara ko ang naranasan kong pag-ibig sa pag-ibig na ibinigay ni Hesus sa atin ay masasabi kong kapirangot lamang ang aking ibinigay. Ngunit kapirangot man ay naging bahagi na ito ng puso ko. Sa ngayon ang taong iyon ang nagsisilbing inspirasyon sa bawat umagang aking hinaharap. Marami pang lugar sa aking puso, alam ko sa kabila ng lahat ay darating din ang taong nakalaan para sa akin…taong nilaan ng Panginoon.
Lahat tayo ay galing sa pag-ibig ng Diyos. Ang ugat natin ay pag-ibig.

0 comments for this post