ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
HANGUEL CLASS
By Galilea on 9:09 PM
Filed Under:
Al Verdida
Isa akong migranteng manggagawa dito sa Korea. Sa loob ng humigit kumulang na 2 taong pagtatrabaho dito, isa sa mga suliraning patuloy kong kinakaharap sa ngayon ay ang pagsasalita at pag-intindi sa kanilang wika. Dahil dito, malimit akong magkaroon ng problema sa trabaho. Hindi ko naisasagawa ng maayos ang pinagagawa sa akin dahil di ko sila lubusang naiintindihan. Madalas akong mapagalitan at nasasabihan ng hindi magagandang salita dahil mali ang aking pagkaintindi sa kanilang sinasabi. Hindi rin ako nakikisalamuha sa mga kasamahan naming Koreano dahil hindi rin naman kami magkaunawaan.
Nang mabalitaan ko na may “Hanguel Class” na isinasagawa ang Galilea para sa mga migranteng manggagawang tulad ko, hindi ako nagdalawang-isip na pumasok dahil gusto kong madagdagan ang aking kaalaman sa kanilang wika. Isa pa, libre ito kaya nahikayat akong makilahok. Sa ilang araw pa lamang ng aking pagpasok, marami na akong natutunan. Napakasimple kasi ng pinag-aaralan kaya madaling maintindihan. Bukod dito, magaling ang nagtuturo sa amin. Naipapaliwanag niyang mabuti ang aming mga aralin. Marunong din siyang magsalita ng English kaya nagkakaintindihan kaming mabuti. Puwede din sa kanyang magtanong ng ibang bagay na wala sa pinag-aaralan namin tulad ng mga salitang naririnig namin sa aming kumpanya na di namin maintindihan.
Masasabi ko na malaki ang naitulong ng pagpasok ko sa “Hanguel Class.” Dahil dito, lalo kong napagbuti ang aking trabaho at nakikisalamuha na rin ako sa mga kasamahan naming Koreano bagama’t bahagya ko pa lamang naiintindihan ang kanilang napag-uusapan. Kaya patuloy pa rin akong pumapasok sa klase para mas lalong lumawak ang aking kaalaman at para lubusan ko silang maintindihan. Ako’y naniniwala na ang pag-aaral kong ito ang susi upang maibsan ko ang balakid na nakakaapekto sa aking pagtatrabaho dito sa Korea…ang balakid ng komunikasyon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post