ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
BUHAY AT PRSENSYA
By Galilea on 9:03 PM
Filed Under:
Fr. Emmanuel Ferrer SVD
Noong August 25 ay nabigyan ako ng pagkakataon na makapagbakasyon sa Pilipinas. Excited ako sa aking pag-uwi ngunit noong August 24 ng gabi ay nakatanggap ako ng "text message" galing sa Pinas na ang pamangkin ko ay itinakbo sa ICU at walang malay. Inatake raw sa puso si Justine habang naglalaro ng basketball.
August 26 ng tanghali sa Manila, habang ako ay papunta sa simbahan upang ikasal ang isang kaibigan ay nakatanggap ako ng tawag na lumisan na si Justine. Naging mabilis ang pangyayari at dahil sa lungkot ko ay hindi ko na naramdaman ang biyahe ko patungong Pangasinan.
Wala pang isang taon ang paglisan ng Tatay ko ay nasundan na agad ng isa pang mahal sa buhay. Walongpung taong gulang na nang lumisan ang Tatay kaya madali ko itong natanggap subalit si Justine ay dalawangpu't-isang taong gulang lamang. Napakaiksi pa lang ng aming pinagsamahan. Ayaw ko pang mawala ang kanyang presensiya tuwing nagkakatipon kami ng aking mga mahal sa buhay. Paano ko ito tatanggapin?
Sa isang Linggong pagtira ng labi ni Justine sa aming bahay ay nagkaroon ng presensiya na nagturo sa akin na tanggapin ang kanyang paglisan. Una, presensiya ng mga nagmamahal sa pamangkin ko. Ang buong pamilya ko, mga kamag-anak, mga kaklase niya at mga taong naging bahagi ng buhay naming magkakapatid na matagal na naming hindi nakikita. Pangalawa, presensiya ng mga nagkabating magkakapatid na matagal ng hindi nag-uusap dahil sa hindi pagkakaintindihan. Pangatlo, higit sa lahat, ang presensiya ng Diyos na ramdam naming lahat lalong-lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Misa at sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Maiksi ang buhay at mahalaga ang presensiya. Dalawang mensahe na pabaon sa akin ni Justine. Maiksi ang buhay kaya paghandaan ito, laging ipagdiwang ang bawat araw na dumarating, at huwag itong sayangin. Mahalaga ang presensiya kaya bigyan ng panahon ang mga mahal sa buhay. Mahalaga ang presensiya kaya tuwing nagkikita tayo ng ating mga kapamilya at kapuso ay ibigay ang mainit na pagtanggap sa bawat isa.
Di ko man makikita muli ang presensiya ni Justine ay habang-buhay naming mananatili sa puso ko ang kanyang alaala at mensahe.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post