ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
OPINYON KO 'TO
By Galilea on 9:04 PM
Filed Under:
Billy Vela
Isa akong manggagawa mula sa tinatawag na EPS o Employment Permit System. Halos magdadalawang taon na ako dito sa Korea. Sa aking naranasan na palipat-lipat na kumpanya ay masasabi kong hindi ito maganda dahil sa ilang bagay. Sayang ang panahon para makapag-ipon. Sa ngayon ay pangatlong kumpanya ko na ang pinagtatrabahunan ko. Una akong nalipat sa Incheon dahil ang una kong kumpanya sa Shiwa ay lumipat ng lugar at nagbago ng pangalan. Nasa batas labor na kapag lumipat at nagbago ng pangalan ang kumpanya ay kailangan muna nitong i-release ang mga dayuhang manggagawa bago muling kunin pagkalipas ng 2 buwan. Wala akong nagawa noon kundi ang maghanap ng ibang kumpanya na pwedeng pasukan. Napadpad ako sa Incheon at nagkatrabaho ng magaan. Mula sa isang spot welding ako ay nalipat sa isang pagawaan ng keypad at cover ng cellphone. Tuwang-tuwa ako dahil maganda ang facilility. Maging ang mga Koreans ay mababait sa amin. Ngunit wala pang 2 buwan ay agad kaming nawalan ng gawa. Halos kada isang linggo ay nawawalan kami ng pasok hanggang sa tuluyang malugi ang kumpanya kaya nagdecide na akong lumipat muli ng kumpanya pati na rin ang mga kasama ko pang Pilipino.
Tambay na naman kaya kailangan muling humanap ng trabaho. Halos lahat na yata ng labor office ay akin ng napasyalan. Napadpad ako sa Suwon, Incheon, Seoul. Nabisita ko na rin ang Labor office dito sa Ansan at Jeoungwang. Kung tutuusin nga ay pwede na akong tanghaling “Mister Friendship” dahil sa dami ng aking nakilala, naging kaibigang mga Pinoy at maging ibang lahi. Lahat sila ay naghahanap din ng pwedeng mapasukan ngunit tila wala ng tiwala ang mga Sajang sa Pilipino. Halos lahat ay mga Intsik, Pakistani at Bangladeshi ang hinahanap ng mga Sajang. Hindi daw sila mapili sa mga trabaho at isa pa ay mga “hanguk chare” daw ang mga ito ayon sa mga staff ng labor office na aking nakakausap. Sa dami ng aking nakakwentuhang Pilipino, halos karamihan sa kanila ay nagsisisi sa ginawang paglisan sa kanilang mga dating kumpanya. Ayon kasi sa kanila ay hindi hamak na mas maayos pa ang mga dati nilang kumpanya kesa sa kanilang napuntahang kongjang o kumpanya para mag-aplay. Ang ilan nga ay napauwi sa Pinas ng wala sa oras dahil hindi sila nakahanap agad ng trabaho sa loob ng 2 buwang palugit na ibinigay ng Nodongbu o labor office. Ang ilan naman ay napauwi dahil sumobra ang bilang ng kanyang kumpanya na napasukan. Pinapayagan lamang ang mga dayuhang mangagawa na lumipat ng tatlong beses.
Kung kukunin ang aral ayon sa aking mga narinig na kwento ay masasabi kong walang perpektong kumpaya dito sa korea. Maaaring meron nga ngunit iilan lamang sila. Meron kasing kumpanya na mabait ang amo ngunit napakahirap naman ng trabaho at mababa ang pasahod.. Meron din magaan na trabaho ngunit sobrang lupit naman ng amo dahil minsan delay ang sweldo, madalas masigawan at murahin ng mga ito. At kung mamalasin ka pa ay baka mapunta ka pa sa mga kumpanyang malupit na nga ang amo at sobrang bigat pa ng trabaho.
Kaya nga ang aking masasabi ay piliting matapos ang kontratang pinirmahan. Matutong magtiyaga sa mabigat na trabaho. Huwag mainggit sa kapwa na mataas ang sahod kung binibigay naman sa inyo ng buo at walang daya ang inyong pinaghirapan. Kung hindi rin naman tayo sinasaktan ng mga koreano ay huwag ng magtangkang lumipat pa ng kumpanya. Subalit hindi ko naman hinihikayat na manatili kayo sa kumpanya kung sadyang labis-labis na ang inyong pagpapasensya. Mayroong 3 dahilan para ikaw ay mapalipat ng kumpanya. Una, kung ikaw ay hindi pinapasweldo ng sa loob ng 2 buwan; pangalawa, kung ikaw ay pisikal na sinasaktan ng iyong amo; at pangatlo, kung ang inyong kumpanya ay bankrupt o nalugi. Humingi ng tulong sa mga migrants center sa ganitong pagkakataon.
Lahat naman tayo ay may opinyon. Lahat tayo ay may sariling pananaw sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa ating paligid. Maaaring tama ang opinyon ninyo at ako ay mali ngunit pwede rin naman ako ang tama at ikaw ang mali. Gayunpaman…OPINYON KO ‘TO.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post