ANSAN FILIPINO COMMUNITY IN SOUTH KOREA
MULA SA MYANMAR AT RUSSIA, KASALAN SA KOREA
By Galilea on 9:06 PM
Filed Under:
Maria Park and Sr. Inigona
Si Mosshou ay binatang galing sa Myanmar. Dumating siya sa Korea sa taong 1995. Si Olga naman ay dalagang galing sa Russia. Dumating naman siya sa Korea sa taong 2003. Silang dalawa ay nagtrabaho sa “press machine”. Noong July 8, 2004 ay naaksidente si Mosshou at naputol lahat ang kanyang daliri. Natira lamang ang dalawa niyang hinlalaki (thumb). Si Olga naman ay naaksidente noong June 4, 2005. Naputol lahat ang kanyang daliri at isang hinlalaki lamang ang naiwan. Nakakalungkot ang kanilang naging kalagayan.
Nagkita sa unang pagkakataon sina Mosshou at Olga sa hospital na kanilang pinupuntahan. Dahil sa magaling ng magsalita ng Korean si Mosshou ay tinulungan si Olga na maintindihan ang sinasabi ng doctor. Nakita niya kasi ang dalaga na nahihirapang intindihin ang doctor na Koreano. Dito nagsimula ang kasaysayan ng kanilang pag-ibig.
Si Mosshou ang unang pumunta sa Galilea upang humingi ng tulong. Ang Galilea ang naging tulay upang makarating sa “Welfare Corporation” ang kanilang problema. Naging maayos ang takbo ng kaso ni Mosshou. Malaking halaga ang kanyang natanggap mula sa welfare corporation. Nang nakilala niya si Olga ay nagpasya siyang dalhin ang dalaga sa Galilea. Kung anong tulong ang ginawa namin kay Mosshou ay ganoon din ang ginawa namin para kay Olga.
Halos araw-araw ay magkasama si Mosshou at Olga kaya hindi nakapagtataka kung nahulog ang damdamin nila sa isa’t-isa. Isang araw ay nalaman na lamang namin na sila na at gusto nilang magpakasal.
Pareho silang walang relihiyon ngunit gusto nilang makasal sa Simbahan. Naging maganda kasi ang dating ng Galilea sa kanila. Naging maganda ang pagkakakilala nila sa mga pari, madre at nananampalataya. Si Sr. Inigona ang gumawa ng paraan upang makasal sila sa Simbahan. Inayos ang lahat at sa tulong ng Kura Paroko na si Fr. Simon ay naisagawa ang kasalan noong November 20, 2005. Hindi isang sakramento ang nangyari ngunit sa mata ng lahat ay tunay na kasalan ang isinagawa.
Nakauwi na ang dalawa at sa Myanmar sila naninirahan ngayon. Sinabi nila na balang araw ay pabibinyag sila sa pananampalatayang Katoliko.
Mabuhay ang mag-asawang Mosshou at Olga!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments for this post